“Kaya ituro mo sa amin ang pagbilang ng aming mga kaarawan, upang kami ay mangagtamo sa amin ng pusong may karunungan.” KJV - Awit 90:12
“Ang ating oras ay pagmamay-ari ng Diyos. Bawat sandali ay sa Kanya, at tayo ay nasa ilalim ng pinakataimtim na obligasyon na pagbutihin ito para sa Kanyang kaluwalhatian. Sa mga talento na Kanyang ibinigay ay higit ang Kanyang hinihingi sa atin patungkol sa oras. FLB 158.2
“Ang halaga ng oras ay higit sa kaya nating unawain. Itinuturing na mahalaga ni Cristo ang bawat sandali, kung kaya’t nararapat ding ito’y bigyang halaga natin. Masyadong maikli ang buhay para sayangin. Mayroon lamang tayong ilang sandali bago magsara ang pinto ng awa at upang ang bawat isa ay mahanda para sa walang-hanggan. Wala tayong oras na maaaring sayangin, walang oras na maaaring iukol sa makasariling kasiyahan, walang panahon para sa pagpapasasa sa kasalanan. Ngayon ang panahon upang tayo ay bumuo ng mga karakter para sa hinaharap at sa walang hanggan. Ngayon ang panahon upang magsipaghanda para sa kakaharaping paghuhukom. FLB 158.3
“Ang pamilya ng tao ay halos nagpapasimulang mabuhay sa panahong sila ay nagsisimula ng mamatay.... Ang taong nagpapahalaga sa oras bilang kanyang panahon para sa paggawa ng mga bagay na magaangkop sa kanya para sa isang mansyon at buhay na walang kamatayan. Nakabuti sa kanya na siya ay naipanganak. Tayo ay pinapayuhan upang samantalahin ang oras. Ngunit ang oras na nasayang ay hindi na mapapanumbalik pa. Hindi natin magagawang ibalik maging isang sandali. Ang tanging paraan para samantalahin ang ating panahon ay sa pamamagitan ng pagsasamantala sa nalalabi, sa pagiging kamanggagawa ng Diyos sa Kanyang dakilang plano ng pagtubos.... FLB 158.4
“Bawat sandali ay may katumbas na kahihinatnan sa walang hanggan. Tayo ay dapat tumindig bilang mga sundalo na handang maglingkod sa sandaling tayo ay tawagan. Ang pagkakataon na dumarating sa atin upang makaabot sa mga ilang nangangailangang kaluluwa at ipaabot ang salita ng buhay ay maaaring hindi na muling dumating. Maaaring sabihin ng Diyos sa isang iyon, “Hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa,” at sa ating kapabayaan ay maaaring hindi siya handa. ( Lucas 12:20 .) Sa dakilang araw ng paghuhukom, paano natin ibibigay ang ating pananagutan sa Diyos?” 1 FLB 158.5
Basahin ang Awit 119:1-16, 161-168. Paano natin dapat sundin ang mga utos ng Diyos, at ano ang mga pagpapalang dumarating mula sa paggawa nito?
“Yaong mga ayaw mabiktima ng mga pakana ni Satanas ay dapat na bantayang mabuti ang mga daan ng kaluluwa; dapat iwasang makabasa, makakita o makarinig ng anumang maaaring magdulot ng karumihan sa pagiisip. Ang isip ay hindi dapat pabayaan na manatili sa anumang paksa na maaaring udyok ng kaaway ng kaluluwa. “Kaya't inyong bigkisan ang mga baywang ng inyong pagiisip,” sabi ni apostol Pedro, “Maging mapagpigil kayo, ... na huwag kayong mangagasal na ayon sa inyong dating mga masasamang pita ... nang kayo'y na sa kawalang kaalaman: guni't yamang banal ang sa inyo'y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay;.” 1 Pedro 1:13-15 , Sabi ni Pablo, “Anomang bagay na katotohanan, anomang bagay na kagalanggalang, anomang bagay na matuwid, anomang bagay na malinis, anomang bagay na kaibigibig, anomang bagay na mabuting ulat; kung may anomang kagalingan, at kung may anomang kapurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.” Filipos 4:8 . Kinakailangan ng taimtim na panalangin at walang humpay na pagbabantay. Dapat tayong magabayan ng nananatiling impluwensya ng Banal na Espiritu, na aakay sa isip pataas, at ugaliin ang pananatili sa dalisay at banal na mga bagay. At kailangan nating bigyan ng masigasig na pag-aaral ang salita ng Diyos. “Sa paano lilinisin ng isang binata ang kaniyang daan?” “Ang iyong salita”, sabi ng Mangaawit? “ay aking iningatan sa aking puso: upang huwag akong magkasala laban sa iyo.” Awit 119:9, 11 .” PP 460.2
“Sa oras na ang kaamuan at kababaan ni Cristo ay unti-unting nawawala sa espiritu at pagkatao, ito ay magdudulot sa tao na makita ang kaperpektuhan ng kanyang sariling mga pamamaraan, at di-kasakdalan naman sa mga pamamaraan ng iba.— Testimonies to Ministers, 191 . WGD 268.2
“Wala nang higit na kailangan pa sa gawain maliban sa praktikal na mga resulta ng pakikipag-isa sa Diyos. Nararapat na makita sa pang-araw-araw na buhay na mayroon tayong kapayapaan at kapahingahan sa Diyos. Ang kanyang kapayapaan sa puso ay magniningning sa mukha. Ito ay magbibigay sa tinig ng isang mapanghikayat na kapangyarihan. Ang pakikipag-isa sa Diyos ay magbibigay ng moral na pagangat sa pagkatao at sa buong pagkilos. Ang mga tao ay kikilala sa atin, gaya ng sa unang mga alagad, na tayo ay nakasama ni Jesus.— Testimonies for the Church 6:47 . WGD 268.3
“ Ang kapayapaan ni Cristo ay ipinanganak sa katotohanan. Ito ay pagkakasundo sa Diyos. Ang sanlibutan ay kalaban ng batas ng Diyos; ang mga makasalanan ay napopoot sa kanilang Maylalang; at bilang resulta sila ay magkaaway sa isa't isa. Ngunit ipinahayag ng Mang-aawit, “Dakilang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig ng iyong kautusan. At sila'y walang kadahilanang ikatitisod.” Ang mga tao ay hindi makalilikha ng kapayapaan. Ang mga plano ng tao para sa pagdadalisay at pagtataas sa mga indibidwal o lipunan ay mabibigo sa paglikha ng kapayapaan, dahil hindi ito umaabot sa puso. Ang tanging kapangyarihan na maaaring lumikha o magpapanatili ng tunay na kapayapaan ay ang biyaya ni Cristo. Kapag ito ay itinanim sa puso, itataboy nito ang masasamang hilig na nagdudulot ng alitan at pagtatalo. “Kahalili ng tinik ay tutubo ang puno ng abeto; at kahalili ng dawag ay tutubo ang arayan;” ang ilang ng buhay ay magagalak, at mamumulaklak na gaya ng rosa.”— The Desire of Ages, 302-305 . WGD 268.4
Basahin ang Awit 90, Awit 102:11, Awit 103:14-16. Ano ang kalagayan ng tao ?
“Huwag mo akong itakuwil sa katandaan; huwag mo akong pabayaan pagka ang aking kalakasan ay nanglulupaypay.— Awit 71:9 . RY 186.2
“Huwag mo akong pabayaan; hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan sa sumusunod na lahi, ang iyong kapangyarihan.— Awit 71:18 , RY 186.3
“Ang mga kaarawan ng aming mga taon ay pitong pung taon, o kung dahil sa kalakasan ay umaabot ng walong pung taon; gayon ma'y ang kanilang kapalaluan ay hirap at kapanglawan lamang....” RY 186.4
“Ang pagiging miyembro ng iglesia ay hindi magagarantiya sa atin ng langit. Kinakailangan na manatili kay Cristo, at ang kanyang pag-ibig ay manahan sa atin. Sa araw-araw ay dapat tayong sumulong sa pagbuo ng matuwid na pagkatao. “Kayo nga'y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.” [ Mateo 5:48 .] Kung paanong ang Diyos ay perpekto sa kanyang saklaw, gayundin tayo ay kinakailangan na maging perpekto sa atin. May isang dakilang gawain sa harap ng bawat isa, ito’y upang abutin ang mataas na pamantayang ito. Ang ating mga mararating ay nakabatay sa pagsisikap na ating ginagawa, ang ating pagkatao ay kung ano ang ating pipiliing maging; sapagka't sa pamamagitan ng banal na tulong na ipinangako sa atin, tayo ay makakapanagumpay. Sapagka't nalalaman ni Jesus ang ating anyo; kaniyang inaalaala na tayo'y alabok.” [ Awit 103:14 .] Sa kahabag-habag na pagibig ay ibibigay niya sa atin ang tulong at lakas na kailangan natin. GW92 446.3
“Ating masigasig na linangin ang mga dalisay na alituntunin ng ebanghelyo ni Cristo,—ang relihiyon, hindi ng pagpapahalaga sa sarili, kundi ng pag-ibig, kaamuan, at kababaan ng puso. At kung magkagayon ay mahalin natin ang ating mga kapatid, at pahalagahan sila nang higit kaysa ating sarili. Ang ating isipan ay hindi mamamalagi sa madilim na bahagi ng kanilang pagkatao; hindi dapat magpipista sa iskandalo at haka-haka. Ngunit “anomang bagay na katotohanan, anomang bagay na kagalanggalang, anomang bagay na matuwid, anomang bagay na malinis, anomang bagay na kaibigibig, anomang bagay na mabuting ulat; kung may anomang kagalingan, at kung may anomang kapurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.” [ Filipos 4:8 .]” GW92 447.1
Basahin ang Awit 81:7, 8; Awit 95:7-11; at Awit 105:17-22 . Ano ang nauugnay sa pagsubok ng Diyos sa mga tekstong ito?
“Kapwa si Aaron at Moises ay nagkasala sa hindi pagbibigay ng kaluwalhatian at karangalan sa Diyos sa tubig ng Meriba . Pareho silang pagod at nagalit sa patuloy na pagrereklamo ng Israel, at, sa panahon na ang Diyos ay maawaing ipapakita ang Kanyang kaluwalhatian sa bayan, upang pukawin at pasunurin ang kanilang mga puso at akayin sila sa pagsisisi, ay nagawang angkinin nina Moises at Aaron ang kapangyarihan ng pagbubukas sa bato para sa kanila. “Makinig kayo ngayon, mga mapanghimagsik, ikukuha ba namin kayo ng tubig sa batong ito?” Narito ang isang ginintuang pagkakataon upang pabanalin ang Panginoon sa gitna nila, upang ipakita sa kanila ang mahabang pagtitiis ng Diyos at ang Kanyang magiliw na awa para sa kanila. Nagbulung-bulungan sila laban kina Moises at Aaron dahil wala silang makitang tubig. Tinanggap nina Moises at Aaron ang mga pagbulung-bulong na ito bilang isang malaking pagsubok at kahihiyan sa kanilang sarili, na nakalimutan na ang Diyos ang dinadalamhati ng bayan. Ang Diyos ang kanilang pinagkasalahan at nilapastangan, hindi yaong mga hinirang ng Diyos upang isagawa ang Kanyang layunin. Iniinsulto nila ang kanilang matalik na Kaibigan sa pag-uusig ng kanilang mga sakuna kina Moises at Aaron; sila ay nagrereklamo ukol sa ginagawang probidensya ng Diyos.” 3T 301.3
Alam ng hukbo ng mga Hebreo na sila ay dinala sa dagat sa pamamagitan ng pagsunod sa ulap sa araw at sa haliging apoy sa gabi. Ngunit wala sa mga kababalaghang ito ang tila gumawa ng anumang pangmatagalang impresyon sa kanila. May panganib na makalimutan din natin ang paraan ng pag-akay sa atin ng Panginoon.
Matapos tumawid ang Israel sa dagat, at pagkatapos na lamunin ng dagat ang kanilang mga kaaway, lahat sila ay umawit at nagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos, ngunit kahit na ang hukbo ni Paraon at ang dagat ay hindi na kinatatakutan kundi bagay na nakakapukaw, ang kanilang mga pagsubok, pagdududa, at takot ay hindi pa nagwawakas: Halos kaagad pagkatapos nilang makita ang dagat sa likuran at ang disyerto sa unahan ay sinimulan nilang paratangan si Moises sa pagdadala sa kanila sa disyerto upang magutom doon dahil sa kakulangan ng tubig at pagkain. Hindi pumasok sa kanilang isipan na kung magagawang tuyuin ng Diyos ang dagat, tiyak na mapapabaha Niya ang disyerto at mapapamulaklak na parang rosas. Sa kabila ng kanilang mga pag-aalinlangan at pag-ungol, ang Diyos ay muling gumawa ng isang mas malaking himala: Siya ay nagpabuga ng tubig mula sa bato at Siya ay nagpadala ng manna mula sa Langit!
Ngayon tulad noong panahon ni Moises, marami ang gumagawa ng mga kasalanan ng bayang iyon: Ang ilan ay tila apoy sa araw, at yelo sa sunod na sandali. Ang iba ay pumupuri sa Diyos nang buong lakas habang ang kanilang barko ay maayos na naglalayag, ngunit kapag ang dagat ay naging maalon at ang mga alon ay nagsimulang humampas sa kanila, kung magkagayon, nakikita lamang nila ang tao sa manibela, sa halip na umasa na pakakalmahin ng Diyos ang dagat ay natataranta silang maghanap ng daan para makatakas. Gayunpaman, ang iba ay patuloy na sinisikap ang itaas ang sarili sa pamamagitan ng paghahanap ng mali laban sa mga taong nagbabata ng pasanin. Kayat magiging ganoon din sa ating panahon – mga magkakaroon ng mga antityical na nagdududa, mga nagbubulung-bulong na naghahangad ng posisyon at mga tagapuna ng kamalian, yaong tumatanggap ng dakilang katotohanan ngayon ngunit kinalilimutan naman kinabukasan – at sa kabila nito, sila ay umaasang makatanggap ng tatak ng Diyos at makatayo kasama ng Kordero sa bundok ng Zion!
Ang mga problemang kinaharap ni Jose sa kanyang buhay ay naging para rin sa kanyang ikabubuti at naghanda sa kanya upang maging isang tagapagpaliwanag ng mga panaginip, isang hari, at walang alinlangang isang pinakadakilang ekonomista na nakita sa mundo. Nasaksihan ng Diyos na ginagawa ni Jose ang lahat ng inilalaan sa kanya at inaako ang pasanin, at, higit pa rito, palagi niyang kinikilala na ang Diyos ang kanyang Guro at sa Kanya ay walang maitatago. Sa pananalig na ito, naunawaan ni Jose na anuman ang gawin sa kanya o sabihin ng mga tao tungkol sa kanya, ang Diyos lamang ang may hawak ng kanyang buhay. Kung kaya’t sa kasaganaan at katanyagan ay pinanatili ni Jose ang kanyang katapatan at integridad; at maging sa kagipitan man ay hindi nag-aksaya si Jose ng kanyang oras upang isisi sa iba ang dahilan ng kanyang mga paghihirap. Sa kabila nito ay pinili niyang kumilos sa paraang makakaluwalhati, sapagkat kung hindi siya nakita bilang isang mataas na nilalang ay hindi siya pipiliin ng mga Ismaelita na ipagbili kay Potipar.
“At ang Panginoon ay suma kay Jose, at naging lalaking mapalad; at siya'y nasa bahay ng kaniyang panginoong taga Egipto. At nakita ng kaniyang panginoon, na ang Panginoon ay sumasakaniya, at ang lahat ng kaniyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon sa kaniyang kamay. At nakasumpong si Jose ng biyaya sa kaniyang paningin, at pinaglingkuran niya siya: at sa kaniya'y ipinamahala niya ang bahay, at ang lahat niyang tinatangkilik ay isinakaniyang kamay. At si Jose ay may magandang pagmumukha at kahalihalina.” Gen. 39:2-4, 6. Ngunit siya ay muling nakatalaga na dumanas ng mga di-inaasahang bagay na wala sa kanyang kontrol, at nabilanggo siya kung saan ang kanyang mabuting pagkatao at katapatan ay muling nagdulot upang siya ay makalaya, at, bukod dito, siya ay itinalaga sa pinakamataas na posisyon ng lupain.
Samantala, ang mga kapatid ni Jose ay nakaranas ng patuloy na pagbaba ng antas sa buhay hanggang sa sila ay napunta sa matinding kahirapan at kinailangang umalis sa kanilang bansa at tumungo kay Jose para sa kanilang pagkain at ikabubuhay . Dapat nating makita dito na bagaman ang bayan ng Diyos ay maaaring magawan ng hindi mabuti ng mga taong may kimkim na inggit, hindi pa rin sila magdurusa habambuhay kung ang Diyos ay kasama nila. Si Jose ay lumakad sa katuwiran at walang sinuman ang makahahadlang sa Diyos na biyayaan siya ng kayamanan at karangalan. Hindi mahalaga kung ano ang maaaring sabihin o gawin ng mga tao laban sa iyo upang ibagsak ka, kung kasama mo ang Diyos, sa huli, ikaw pa rin ang malalagay sa itaas at sila sa ibaba. Ang paninibugho ay maaaring kasing-lupit ng libingan, ngunit sa kalaunan ay gagantimpalaan ang katuwiran.
Basahin ang Mga Awit 141. Ano ang ipinagdarasal ng mang-aawit? Paano inilarawan dito ang progresibo at tusong katangian ng tukso?
“Nanalangin ang mang-aawit: “Panginoon, ako'y tumawag sa iyo: magmadali ka sa akin: pakinggan mo ang tinig ko, pagka ako'y tumatawag sa iyo. Malagay ang aking dalangin na parang kamangyan sa harap mo; ang pagtataas ng aking mga kamay na parang hain sa kinahapunan. Maglagay ka ng bantay, Oh Panginoon, sa harap ng aking bibig; ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi.” 20MR 198.1
“Nasa atin ang lahat ng katibayan na ang mapagpakumbaba at taimtim na panalangin na iniaalay sa Diyos ay itinuturing na mahalaga sa Kanyang paningin. Wala ni isa ang nawawaglit. Ang pangako ay: “Magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo'y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo'y bubuksan: Sapagka't ang bawa't humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan...” 20MR 198.2
“ Naririnig ng Panginoon ang mga panalangin ng lahat ng lumalapit sa kanya sa kanilang pangangailangan, lahat ng mapagpakumbaba at nagsisising puso. Naririnig ng Panginoon, at ipapakita Niya ang kanyang sarili sa kanila, upang buhayin ang espiritu ng mapagpakumbaba, at pasiglahin ang puso ng mga nagsisisi.” 20MR 198.5
“Ginawa ng Panginoong Diyos ng Israel ang kanyang sarili na isang kanlungan para sa Kanyang bayan. Ang lahat ng maglalagak ng pagtitiwala kay Cristo ay makakaunawa kung ano ang ibig sabihin sa mga huling araw na ito ng pagpasok sa masikip na daan. Ang hangal na pagpapahalaga sa sarili at tiwala sa sarili na taglay ng marami ay magpapatunay sa kanilang walang hanggang kapahamakan. Para sa kanila ang masikip na landas na itinayo upang bagtasin ng mga tinubos ng Panginoon ay tila masyadong malupit. Ngunit ang nananatili kay Cristo ay mauunawaan kung ano ang kahulugan ng pagpapako sa krus sa sanlibutan. Ang Panginoon ay naglaan lamang ng isang kanlungan para sa Kanyang bayan. Ang sabi ng dakilang apostol, “ At ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Dios. Pagka si Cristo na ating buhay ay mahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian.” Lahat ng mga makakapanagumpay ay itataas.” 20MR 199.3
“Hindi ba tayo lalapit sa Panginoon, upang mailigtas Niya tayo sa lahat ng kawalan ng pagpipigil sa pagkain at pag-inom, mula sa lahat ng hindi banal, mahalay na pagnanasa, lahat ng kasamaan? Hindi ba tayo magpapakumbaba sa harapan ng Diyos, na iwaksi ang lahat ng bagay na sumisira sa laman at espiritu, upang sa Kanyang pagkatakot ay maisakdal natin ang kabanalan ng pagkatao? 7T 258.3
“Hayaan ang bawat isa na nakaupo sa mga pulong ng konseho at komite na isulat sa kanyang puso ang mga salita: Ako ay gumagawa para sa ngayon at sa walang-hanggan; at ako ay mananagot sa Diyos para sa mga motibo na nag-uudyok sa akin na kumilos. Hayaang ito ang maging motto. Hayaang ang panalangin ng mang-aawit ay maging kanyang panalangin: 7T 258.4
“Maglagay ka ng bantay, Oh Panginoon, sa harap ng aking bibig; ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi. Huwag mong ikiling ang aking puso sa anomang masamang bagay,” Awit 141:3, 4 . 7T 259.1
Basahin ang Awit 1:1-3, Awit 112:1-9, at 128. Anong mga pagpapala ang ipinangako para sa mga gumagalang sa Panginoon?
“Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama, ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, ni nauupo man sa upuan ng mga manglilibak. Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi.” [ Awit 1:1, 2 .] 16LtMs, Ms 111, 1901, par. 6
“Dapat tayong kumilala sa mga batas ng kaharian ni Cristo, na mga pananggalang na bigay ng Diyos. “Sapagka't ito’y inyong kabuhayan,” sabi niya. [ Deuteronomio 32:47 .] Kung lalabas tayo sa pader na ito ng proteksyon na buong-awang inilagay sa paligid natin, inilalantad natin ang ating sarili sa mga pag-atake ni Satanas. Sa pamamagitan ng pagsuway sa mga batas ng Diyos, nakikipagtulungan tayo sa kaaway, sa paglalagay sa ating sarili sa posisyon kung saan siya makagagawa ng masama sa isipan.” 16LtMs, Ms 111, 1901, par. 7
“Ang espirituwal na kadiliman na bumabalot sa mundo ay bunga ng pagkahiwalay sa Diyos. Si Cristo ang liwanag at buhay ng sanlibutan. “Sa matuwid ay bumabangon ang liwanag sa kadiliman.” ( Awit 112:4 ). Lahat ng kasalanan ay kadiliman. Nang dumating si Cristo sa mundong ito, tumanggi ang mga pinunong Judio na tanggapin ang Kanyang mga salita. Matalino sa kanilang sariling pag-iisip, ipinahayag nila na alam nila ang lahat tungkol sa batas ng Diyos. Ngunit sinabi ni Cristo sa kanila, “Nangagkakamali kayo, sa hindi pagkaalam ng mga kasulatan, ni ng kapangyarihan man ng Dios.” ( Mateo 22:29 ). Tinakpan ng kadiliman ang lupa at ang bayan. Ang pamilya ng tao, at maging ang mga pinili ng Panginoon ay nawalan ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ang mga itinuturo ng mga paring Judio sa doktrina ay yaong mga kautusan ng tao. Ang Diyos hindi nasasalamin ng wasto. Nanaig ang mga maling ideya tungkol sa Kanyang katangian. Si Cristo ay naparito sa mundong ito, at ang liwanag ay sumikat sa kadiliman, ngunit hindi ito naunawaan ng kadiliman. 12MR 140.1
“Si Satanas ang manlilinlang. Ang mga resulta ng gagawing pagtanggap sa kaniyang mga tukso ay mas masahol pa kaysa sa anumang makalupang pagkawala na maaaring matanto, oo, mas masahol pa kaysa sa kamatayan mismo. Yaong mga pumiling makamit ang tagumpay kapalit ng halaga ng pagpapasakop sa kalooban at mga plano ni Satanas ay makasusumpong sa huli na sila ay gumawa ng isang luging pakikipagkasundo. Lahat ng bagay na mula kay Satanas ay may higit na kabayaran. Ang mga pakinabang na ipinapakita niya ay isang ilusyon lamang. Ang mataas na pag-asa na kanyang iniaalok ay may kapalit na pagkawala ng mga bagay na mabuti at banal at dalisay. Labanan si Satanas sa pamamagitan ng salita, “Nasusulat.” “Mapalad ang bawa't isa na natatakot sa Panginoon, na lumalakad sa kaniyang mga daan. Sapagka't iyong kakanin ang gawa ng iyong mga kamay: magiging maginhawa ka, at ikabubuti mo.” ST February 24, 1909, par. 7
“Siya na handang gawin ang mga gawa ng katuwiran ay hindi malilinlang ng mga pang-aakit ng kaaway. Ang kanyang mga kilos ay magagabayan tungo sa paggawa ng tama at siya ay magbibigay-daan sa pagkilala sa pagitan ng tama at mali, sa pagitan ng katotohanan, mataas na katotohanan, at kamalian. Yaong mga papasok sa kaharian ng langit ay yaong mga nakamit ang pinakamataas na pamantayan ng moral na obligasyon, yaong mga hindi naghangad na itago ang katotohanan o manlinlang, yaong dumakila sa Diyos at nagtanggol sa Kanyang salita, yaong ang mga prinsipyo ay hindi ginamit sa kamalian upang bigyang dahilan at takpan ang mga lalang ng kaaway. ST Pebrero 24, 1909, par. 8
“Ang landas na itinalaga para sa mga tinubos ng Panginoon ay higit pa sa lahat ng makamundong panukala at gawain . Ang mga lumalakad dito ay magpapakita ng kadalisayan ng kanilang mga prinsipyo sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Mayroon silang langit na dapat kamtin, at sa pamamagitan ng maayos na pamumuhay at maka-Diyos na pakikipag-ugnayan ay maipapakita nila ang kanilang tapat na propesyon. Lulubusin nila ang gawain ng kanilang sariling pagkaligtas na may takot at panginginig; sa pangamba na baka hindi nila maabot ang Kristiyanong katangian, ngunit magsusumikap na sumunod sa mga yapak ni Cristo, at ilalagay ang Kanyang buhay at Kanyang mga turo sa kanilang harapan. Sa paggawa nila nito, gagawa ang Dios sa kanila maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban.” ST Pebrero 24, 1909, par. 9