Ang Iyong Awa ay Umaabot sa Kalangitan

Liksyon 7, Unang Semestre Pebrero 10-16, 2024

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download Pdf

Hapon ng Sabbath, Pebrero 10

Talatang Sauluhin:

“ Ako'y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bayan: ako'y aawit sa iyo ng mga pagpuri sa gitna ng mga bansa. Sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay dakila hanggang sa mga langit, at ang iyong katotohanan hanggang sa mga alapaap.” KJV — Awit 57:9, 10


Ang karanasan ng Mang-aawit ay ang karanasan na maaaring maranasan ng lahat ng tatanggap sa salita ng Diyos sa pamamagitan ng kalikasan at paghahayag. Sabi niya: MH 462.3

“Ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ay nasa mga langit: ang iyong pagtatapat ay umaabot hanggang sa langit. Ang iyong katuwiran ay gaya ng mga bundok ng Dios: ang iyong mga kahatulan ay dakilang kalaliman....” MH 463.1

May pribilehiyo tayo na makaabot sa mas matataas at malinaw na pagsisiwalat ng katangian ng Diyos. Nang manalangin si Moises, “Ipakita mo sa akin, idinadalangin ko sa iyo, ang iyong kaluwalhatian,” hindi siya sinaway ng Panginoon, ngunit dininig Niya ang kanyang panalangin. Ipinahayag ng Diyos sa Kanyang lingkod, “Aking papangyayarihin ang aking buong kabutihan sa harap mo, at aking itatanyag ang pangalan ng Panginoon sa harap mo.” Exodo 33:18, 19 . MH 464.5

Ang kasalanan ang nagpapapanglaw sa ating isipan at nagpapalabo sa ating mga pang-unawa. Habang ang kasalanan ay nalilinis mula sa ating mga puso, ang liwanag ng pangunawa sa kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Jesu-Cristo, na nagliliwanag sa Kanyang salita at nababanaag sa mukha ng kalikasan, ay patuloy na higit at ganap na ipahahayag Siya bilang “puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan.” Exodo 34:6 . MH 464.6

Linggo, Pebrero 11

Ang Kanyang Awa ay Magpakailanman


Basahin ang Awit 136. Anong kaisipan ang nangingibabaw sa awit na ito? Saan nakahanap ang mang-aawit ng katibayan para sa kanyang kanyang pangunahing pahayag?

“Ang mga sumasamba ay nagdidiwang sa okasyong ito ng may sagradong awit at pasasalamat. Bago ang kapistahan ay ang Araw ng Pagbabayad-sala, kung saan matapos ang kanilang pagtatapat sa kanilang mga kasalanan, ang bayan ay ipinahahayag na may kapayapaan sa Langit. Sa gayo'y inihahanda ang daan para sa pagsasaya ng kapistahan. “Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man”. ( Awit 106:1 ) matagumpay na bumangon, habang ang lahat ng uri ng musika ay humahalo sa mga sigaw ng hosanna, at sumasabay sa nagkakaisang pag-awit. Ang templo ang sentro ng pangkalahatang kagalakan. Narito ang karangyaan ng mga seremonya ng paghahain. Dito, sa magkabilang panig ng puting marmol na hagdan ng sagradong gusali, ang koro ng mga Levita ang nangunguna sa paglilingkod sa pag-awit. Ang karamihan ng mga mananamba, na ikinakaway ang kanilang mga sanga ng palma at mirto, ay umalingawngaw ang koro; at muli ang himig ay sumalo sa mga tinig sa malapit at sa malayo, hanggang sa ang nakapalibot na mga burol ay magpahayag ng may papuri. DA 448.3

Maaaring ang isang kongregasyon ang pinakamahirap sa lupain. Maaaring wala itong anumang atraksyon ng anumang uri ng palabas; ngunit kung ang mga miyembro ay nagtataglay ng mga prinsipyo ng katangian ni Cristo, ang mga anghel ay makikiisa sa kanila sa kanilang pagsamba. Ang papuri at pasasalamat mula sa mga pusong nagpapasalamat ay aakyat sa Diyos bilang isang matamis na alay. PK 566.1

“Magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat Siya ay mabuti: Sapagkat ang Kanyang kagandahang-loob ay magpakailanman…” PK 566.2

Hindi tayo dapat mawalan ng pagtitiwala sa Panginoon. Ang ating mga panalangin ay umaakyat sa kaitaasan; dapat nating matutunang tanggapin ang Diyos sa Kanyang salita . Basahin din ang ika- 105 na awit . Nais ng Panginoon na iangkop mo ang mga salitang ito sa iyong sariling karanasan. Ipinahayag ng salmista, “Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man. Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon.” Hayaang lumago ang iyong pananampalataya, at huwag humina. Magpasalamat sa Panginoon para sa Kanyang Salita; ito ang iyong maging tanggulan. “ Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!” [ Awit 107:1, 2, 8 .] 24LtMs, Lt 68, 1909, par. 11

Aking kapatid, tingnan mo ang positibong bahagi ng mga pangyayari. Sabihin kasama ng salmista, “Ang aking puso'y matatag, Oh Dios; ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga pagpuri, ng aking kaluwalhatian.” [ Awit 108:1 .] Magpakatapang kayo. Magsalita tungkol sa pananampalataya. Huwag hayaang pawiin ng mga ulap at pagsubok ang iyong pananampalataya. Ang mga pagsubok ay tiyak na dadanasin. Si Satanas ay gumagawa upang magpahina ng loob; gayunpaman, manampalataya ka. 24LtMs, Lt 68, 1909, par. 12

Lunes , Pebrero 12

Lumalang Ka sa Akin ng Malinis na Puso


Basahin ang Awit 51:1-5, 6-19. Bakit umaapela ang mangaawit sa awa ng Diyos? Paano inilarawan dito ang kapatawaran ng kasalanan? Ano ang layunin ng banal na pagpapatawad?

“Ipinahayag ni Nathan: “Ikaw ang lalaking yaon. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Pinahiran kita ng langis na maging hari sa Israel, at aking iniligtas ka sa kamay ni Saul;.... Bakit nga iyong niwalang kabuluhan ang salita ng Panginoon, na iyong ginawa ang masama sa kaniyang paningin? iyong sinugatan ng tabak si Uria na Hetheo, at iyong kinuha ang kaniyang asawa upang maging iyong asawa, at iyong pinatay siya ng tabak ng mga anak ni Ammon.. Ngayon nga'y ang tabak ay hindi hihiwalay kailan man sa iyong sangbahayan.... Narito, ako'y magtitindig ng kasamaan laban sa iyo na mula sa iyong sariling sangbahayan, at aking kukunin ang iyong mga asawa sa harap ng iyong mga mata, at aking ipagbibigay sa iyong kapuwa....sapagka't iyong ginawa na lihim: nguni't aking gagawin ang bagay na ito sa harap ng buong Israel, at sa harap ng araw.” PP 721.4

“Ang pagsaway na ginawa ng propeta ay umantig sa puso ni David; napukaw ang kanyang budhi; ang kanyang pagkakasala ay nakita sa lahat ng kalubhaan nito. Ang kanyang kaluluwa ay yumukod sa pagsisisi sa harap ng Diyos. May panginginig ng mga labi na sinabi niya, “Ako ay nagkasala laban sa Panginoon.” Lahat ng maling ginawa sa iba ay bumabalik sa Diyos. Si David ay nakagawa ng isang mabigat na kasalanan, kina Uria at Batsheba, at nadama niya ito. Ngunit higit na malaki ang kanyang kasalanan sa Diyos. PP 722.1

“Bagaman walang sinuman sa Israel ang maaaring maggawad ng hatol ng kamatayan sa pinahiran ng Panginoon, si David ay nanginig, sa pagiisip na kung siya ay nagkasala at hindi mapatawad, siya ay mamamatay sa mabilis na paghatol ng Diyos. Ngunit ang mensahe ay ipinadala sa kanya ng propeta, “ Inalis din ng Panginoon ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay.” Gayunpaman, ang hustisya ay dapat mapanatili. Ang hatol ng kamatayan ay inilipat mula kay David tungo sa anak ng kanyang pagkakasala. Sa gayon, ang hari ay binigyan ng pagkakataon para sa pagsisisi; bagaman para sa kanya ang pagdurusa at pagkamatay ng bata ay isang kaparusahan na higit na mapait kaysa sa kanyang sariling kamatayan. Sinabi ng propeta, “Gayon ma'y sapagka't sa gawang ito'y iyong binigyan ng malaking pagkakataon ang mga kaaway ng Panginoon upang magsipanungayaw, ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay walang pagsalang mamamatay.” PP 722.2

“Napakarami sa nagbabasa ng kasaysayan ukol sa pagkahulog ni David ang nagtatanong, “Bakit isinapubliko ang talaang ito? Bakit pinagpalagay ng Diyos na karapat-dapat na ibukas sa mundo ang madilim na yugtong ito sa buhay ng isang lubos na pinarangalan ng Langit?” Ang propeta, sa kanyang pagsaway kay David, ay nagpahayag tungkol sa kanyang kasalanan, “Gayon ma'y sapagka't sa gawang ito'y iyong binigyan ng malaking pagkakataon ang mga kaaway ng Panginoon upang magsipanungayaw.” Sa sunud-sunod na mga henerasyon, ang mga walang pananampalataya ay dumudusta sa katangian ni David, na nagtataglay ng madilim na mantsa na ito, at sumisigaw sa tagumpay at panunuya, “Ito ang taong ayon sa sariling puso ng Diyos!” Kaya't isang kadustaan ang dinulot sa relihiyon, ang Diyos at Kanyang salita ay nilapastangan, maraming kaluluwa ang pinatigas ng kawalan ng pananampalataya, at marami, sa ilalim ng balabal ng kabanalan, ay naging hayag sa kasalanan. PP 722.4

“Ngunit ang kasaysayan ni David ay hindi tumutukoy sa mukha ng kasalanan. Noong siya ay lumalakad sang-ayon sa payo ng Diyos, siya tinawag na isang tao ayon sa sariling puso ng Diyos. Nang siya ay nagkasala, huminto ito sa pagiral ngunit sa pamamagitan ng pagsisisi ay nanumbalik siya sa Panginoon. Malinaw na ipinapahayag ng salita ng Diyos, “Nguni't ang bagay na ginawa ni David ay minasama ng Panginoon.” 2 Samuel 11:27 At sinabi ng Panginoon kay David sa pamamagitan ng propeta, “Bakit nga iyong niwalang kabuluhan ang salita ng Panginoon, na iyong ginawa ang masama sa kaniyang paningin?... Ngayon nga'y ang tabak ay hindi hihiwalay kailan man sa iyong sangbahayan; sapagka't iyong niwalan ng kabuluhan ako,.” Bagama't nagsisi si David sa kanyang kasalanan at pinatawad at tinanggap ng Panginoon, umani siya ng masamang ani ng binhi na siya mismo ang naghasik. Ang mga paghatol sa kanya at sa kanyang sambahayan ay nagpapatotoo sa pagkasuklam ng Diyos sa kasalanan.” PP 723.1

“Inilaan ng Diyos ang kasaysayan ng pagkahulog ni David upang magsilbing babala na kahit na yaong mga lubos Niyang pinagpala at pinaboran ay huwag maging panatag at maging pabaya sa pagbabantay at pananalangin. Ito ay nagpapatotoo sa mga taong nagpapakumbaba sa hangaring matuto sa liksyong idinisenyo ng Diyos na ituro. Mula sa henerasyon hanggang sa henerasyon, libu-libo ang nagkaroon ng pagunawa sa kanilang sariling panganib mula sa kapangyarihan ng manunukso. Ang pagkahulog ni David, isa na lubos na pinarangalan ng Panginoon, ay nagpagising sa kanila tungo sa kawalan ng pagtitiwala sa sarili. Nadama nila na ang Diyos lamang ang makapag-iingat sa kanila sa Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. Dahil alam nila na nasa Kanya ang kanilang lakas at kaligtasan, sila ay mayroong takot na humakbang sa lugar ni Satanas.” PP 724.1

Martes, Pebrero 13

“Kung Ikaw, Panginoon, ay Magtatala ng mga Kasamaan.”


Basahin ang Awit 130. Paano inilalarawan ang bigat ng kasalanan at pag-asa para sa mga makasalanan?

“Sa mga gumawa ng kakaibang mga landas para sa kanilang mga paa, nag-aalok ang Panginoon ng mga salita ng pampatibay-loob. Tatanggapin Niya ang kanilang mga panalangin, kung sila ay magsisisi at magbabalik-loob. Sa pamamagitan ng walang hanggang sakripisyo ni Cristo, at pananampalataya sa Kanyang pangalan, maaari nilang matanggap ang mga pangako ng Diyos. Ang mga anak ni Adan ay maaaring maging mga anak ng Diyos. O gaanong puspos ng pasasalamat ang madarama natin ukol sa ginagawang pagkilos ni Cristo sa pagbibihis ng sangkatauhan, kung kaya’t ang mga nahulog na tao ay pinagkalooban ng pangalawang pagsubok! Inilagay sila ni Cristo sa mataas na lugar. Sa pakikipagugnayan sa Kanya, sila ay maaaring maging manggagawa kasama ng Diyos. Sa pamamagitan ng biyayang ibinibigay araw-araw ni Cristo, maaari silang maitaas at dakilain upang maging mga anak na lalaki at babae ng Diyos. Ang gayong pag-ibig ay walang katulad. TDG 255.2

“Humihingi si Jesus ng perpektong pagsunod. Kinakailangan ng masinsinan at praktikal na paggawa. Araw-araw tayong dapat lumago sa kaalaman sa banal na kalooban. Ibibigay ni Cristo ang Kanyang Espiritu sa lahat ng makikiisang gumawa ng may pagpapakumbaba.” TDG 255.3

“Binibigyang patotoo ko mga kapatid na ang iglesia ni Cristo, bagama’t mahina at tila may depekto, ay nananatiling tanging bagay kung saan Kanyang ipinagkakaloob ang Kanyang pinakamataas na pagpapahalaga. Bagaman ipinaabot Niya sa buong sanlibutan ang Kanyang paanyaya na lumapit sa Kanya at upang maligtas, inatasan Niya ang Kanyang mga anghel na magbigay ng banal na tulong sa bawat kaluluwang lalapit sa Kanya sa pagsisisi, at Siya ay personal na dumarating sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu sa gitna ng Kanyang iglesia. “Kung ikaw, Panginoon, magtatanda ng mga kasamaan, Oh Panginoon, sinong tatayo? Nguni't may kapatawarang taglay ka, upang ikaw ay katakutan. Aking hinihintay ang Panginoon, hinihintay ng aking kaluluwa, at sa kaniyang salita ay umaasa ako. Hinihintay ng aking kaluluwa ang Panginoon, ng higit kay sa paghihintay ng bantay sa umaga;... Oh Israel, umasa ka sa Panginoon; sapagka't sa Panginoon ay may kagandahang-loob. At kaniyang tutubusin ang Israel sa lahat niyang kasamaan.” TM 15.1

“Mga ministro at ang buong iglesia, hayaang ito ang ating maging salita, mula sa mga pusong tumutugon sa dakilang kabutihan at pag-ibig ng Diyos sa atin bilang isang bayan at sa bawat isa sa atin, “Oh Israel, umasa ka sa Panginoon mula ngayon at magpakailanman.” “Ninyong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon. Sa mga looban ng bahay ng ating Dios. Purihin ninyo ang Panginoon; sapagka't ang Panginoon ay mabuti: magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniyang pangalan; sapagka't maligaya. Sapagka't pinili ng Panginoon para sa kaniya si Jacob, at ang Israel na kaniyang pinakatanging kayamanan. Sapagka't nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila, at ang ating Panginoon ay higit sa lahat na dios.” Isipin, mga kapatid ko, na ang Panginoon ay may isang bayan, isang piniling bayan, ang Kanyang iglesia, upang maging Kanyang sarili, Kanyang sariling muog, na Kanyang pinanghahawakan sa isang daigdig na hinagupit ng kasalanan, mapanghimagsik; at nilalayon Niya na walang awtoridad ang dapat kilalanin dito, walang ibang batas kundi ang sa Kanyang sarili. ” TM 15.2

Miyerkules , Pebrero 14

Papuri sa Dakila at Maawaing Diyos


Basahin ang Mga Awit 113 at 123. Anong dalawang magkaibang aspeto ng karakter ng Diyos ang inilalarawan sa Mga awit na ito?

“Ang kadakilaan ng Diyos hindi natin kayang arukin. “Ang trono ng Panginoon ay nasa langit” ( Awit 11:4 ); ngunit sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu Siya ay naroroon sa lahat ng dako. Siya ay may malalim na kaalaman at personal na interes sa lahat ng mga gawa ng Kanyang kamay. Ed 132.2

“'Sino ang gaya ng Panginoon nating Diyos, na tumatahan sa kaitaasan, Na nagpapakumbaba upang masdan ang mga bagay na nasa langit, at nasa lupa!'” Ed 132.3

““Ang Maylikha ng lahat ng bagay ang nag-ordena sa kahanga-hangang pag-angkop ng mga yaman, at ang panustos sa mga pangangailangan. Siya ang nagtakda sa materyal na mundo upang ang bawat naisin ay matugunan. Siya ang lumikha ng kaluluwa ng tao, na may kakayahang matuto at magmahal. At hindi Niya ibig na hindi tugunan ang pangangailangan ng kaluluwa na hindi nasisiyahan. Walang anumang bagay ang makakatugon sa mga pangangailangan at inaasam ng mga tao sa buhay na ito na puno ng pakikibaka sa kasalanan at kalungkutan at pighati. Hindi sapat na maniwala sa mga batas at lakas, sa mga bagay na walang habag, at hindi kailanman nakikinig sa mga humihingi ng tulong. Kailangan nating makilala ang isang makapangyarihang bisig na hahawak sa atin, ang isang walang hanggang Kaibigan na naaawa sa atin. Kailangan nating kumapit, upang magtiwala sa isang pusong puno ng pagibig. At gayon ipinahayag ng Diyos sa Kanyang salita ang Kanyang sarili. ” Ed 133.2

“Hinihiling sa atin ng Diyos na patunayan ang ating katapatan sa Kanya sa pamamagitan ng walang pag-aalinlangang pagsunod. Sa pagpapasya sa anumang landasin hindi natin dapat itanong lamang kung nakikita natin ang pinsalang idudulot nito, ngunit kung ito ba ay salungat sa kalooban ng Diyos. Dapat tayong matutong hindi magtiwala sa sarili at lubos na umasa lamang sa Diyos para sa patnubay at suporta, para sa pangunawa sa Kanyang kalooban, at para sa lakas upang maisagawa ito. Dapat tayong lubos na makipag-isa sa Diyos. Ang lihim na pananalangin, pananalangin habang ang mga kamay ay gumagawa, pananalangin habang naglalakad sa daan, pananalangin sa gabi, ang lahat ng hangarin ng puso ay umaakyat sa Diyos—ito ang tanging kaligtasan natin. Sa ganitong paraan lumakad si Enoc na kasama ng Diyos. Sa ganitong paraan ang ating Huwaran ay nakatanggap ng lakas upang tahakin ang matinik na landas mula Nazareth hanggang Kalbaryo. ” TMK 252.3

Huwebes , Pebrero 15

Huwag Mong Kalimutan ang lahat ng Niyang mga Biyaya


Basahin ang Awit 103. Paano inilalarawan dito ang awa ng Diyos?

“Tayo ay lumalapit sa Diyos sa ngalan ni Jesus sa pamamagitan ng natatanging paanyaya, at tinatanggap niya tayo sa kanyang silid, at ibinibigay sa mga nagpapakumbaba at nagsisising puso ang pananampalatayang iyon kay Cristo kung saan siya ay inaring-ganap, at pinapawi ni Jesus ang kanyang tila makapal na ulap na mga pagsalangsang sa pamamagitan ng maliwanag na sikat ng araw ng kanyang pag-ibig, at ang naaaliw na puso ay napapabulalas, “Oh Panginoon; sapagka't bagaman ikaw ay nagalit sa akin ang iyong galit ay napawi, at iyong inaaliw ako.” [ Isaias 12:1 .] Mauunawaan niya sa karanasan ang mga salita ni Pablo, “Sapagka't ang tao'y nanampalataya ng puso sa ikatutuwid; at ginagawa sa pamamagitan ng bibig ang pagpapahayag sa ikaliligtas.” [ Roma 10:10 .] At siya ay nagiging isang pinabanal na kasangkapan na magagamit ng Diyos upang maisakatuparan ang kaniyang marangal na mga layunin. At kaniyang kakatawanin si Cristo, na inilalahad sa mundo ang kanyang awa at pagibig. Siya ay may patotoo na ninanais niyang marinig ng iba, at sa wika ng salmista ay sinabi niya, “Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko: at lahat na nangasa loob ko ay magsisipuri sa kaniyang banal na pangalan. Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko, at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mabubuting gawa. Na siyang nagpapatawad ng iyong lahat na mga kasamaan; na siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit; Na siyang tumutubos ng iyong buhay sa pagkapahamak: na siyang nagpuputong sa iyo ng kagandahang-loob at malumanay na mga kaawaan.” [ Awit 103: 1-4 .]” CE 128.1

“Ang ating makalangit na Ama ay nangangailangan ng walang labis walang kulang batay sa mga kakayahang Kanyang ibinigay sa atin.Wala Siyang ibinibigay sa Kanyang mga lingkod na pasanin na hindi nila kayang batahin. “Sapagka't nalalaman niya ang ating anyo; kaniyang inaalaala na tayo'y alabok.” Awit 103: 14 . Ang lahat ng Kanyang inaangkin mula sa atin ay maibibigay natin sa pamamagitan ng banal na grasya.” COL 362.5

“Ang pagiging miyembro ng iglesia ay hindi magagarantiya sa atin ng langit. Dapat tayong manatili kay Cristo, at ang kanyang pag-ibig ay dapat manatili sa atin. Araw-araw dapat tayong sumulong sa pagbuo ng nararapat na karakter. “Kayo nga'y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.” [ Mateo 5:48 .] Kung paanong ang Diyos ay perpekto sa kanyang saklaw, gayundin tayo ay kinakailangan na maging perpekto sa atin. May isang dakilang gawain sa harap ng bawat isa, upang maabot ang mataas na pamantayang ito. Ang ating makakamit ay naaayon sa pagsisikap na ating gagawin, ang ating ugali ay ayon sa kung ano ang ating pipiliing maging; sapagka't sa pamamagitan ng banal na tulong na ipinangako sa atin, tayo ay mananagumpay. Nalalaman niya ang ating anyo; kaniyang inaalaala na tayo'y alabok.” [ Awit 103: 14 .] Sa Kanyang nahahabag na pagibig ay ibibigay niya sa atin ang tulong at lakas na kailangan natin.” GW92 446.3

Biyernes, Pebrero 16

Karagdagang Kaisipan

“Ang kaalaman sa Diyos na inihayag sa Kanyang salita ay ang kaalaman na dapat ibigay sa ating mga anak. Mula sa pinakaunang pagbubukas ng katwiran, dapat silang maging pamilyar sa pangalan at buhay ni Jesus. Ang kanilang mga unang aralin ay dapat magturo sa kanila na ang Diyos ang kanilang Ama. Ang kanilang unang pagsasanay ay dapat tungkol sa buong pusong pagsunod. Mapitagan at magiliw na hayaang basahin at ulitin sa kanila ang salita ng Diyos sa mga bahaging angkop sa kanilang pang-unawa at naayon upang pukawin ang kanilang interes. At, higit sa lahat, hayaan silang matuto ng Kanyang pag-ibig na ipinahayag kay Cristo, at ang dakilang aral nito: MH 460.2

“Kung tayo'y inibig ng Dios ng gayon, ay nararapat na mangagibigan din naman tayo.” 1 Juan 4:11 . MH 460.3

“Hayaan ang mga kabataan na gawin ang salita ng Diyos na pagkain ng isipan at kaluluwa. Hayaang ang krus ni Cristo ang gawing siyensiya ng lahat ng edukasyon, ang sentro ng lahat ng pagtuturo at lahat ng pag-aaral. Hayaan itong dalhin sa pang-araw-araw na karanasan sa praktikal na buhay. At sa gayon, ang Tagapagligtas ay magiging isang kasama at kaibigan sa araw-araw sa mga kabataan. Ang bawat pag-iisip ay maaakay sa ilalim ng pagsunod kay Cristo. Kasama ni apostol Pablo masasabi nilang: MH 460.4

“Datapuwa't malayo nawa sa akin ang pagmamapuri, maliban na sa krus ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niyao'y ang sanglibutan ay napako sa krus sa ganang akin, at ako'y sa sanglibutan.” Galacia 6:14 .” MH 460.5