Mga Idinadahilan Para Makaiwas sa Pagmimisyon

Liksyon 5, 4th Quarter Oktubre 28 - Nobyembre 3, 2023

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download Pdf

Hapon ng Sabbath, Oktubre 28

Talatang Sauluhin: 

“At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, Sinong susuguin ko, at sinong yayaon sa ganang amin? Nang magkagayo'y sinabi ko: Narito ako; suguin mo ako.” KJV - Isaias 6:8


“Ang mensahe ng Diyos para sa mga naninirahan sa sanlibutan ngayon ay, “Kaya nga kayo'y magsihanda naman; sapagka't paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.” Mateo 24:44 . Ang mga kalagayang namamayani sa lipunan, at lalo na sa mga malalaking lungsod ng mga bansa ay nagpapahayag na ang oras ng paghatol ng Diyos ay dumating na at ang katapusan ng lahat ng bagay sa lupa ay malapit na.Tayo ay nakatayo na sa bingit ng kasukdulan ng krisis ng kapanahunan. Sa mabilis na pagkakasunud-sunod, ang mga paghatol ng Diyos ay susunod sa bawat isa—apoy, at baha, at lindol, digmaan at pagdanak ng dugo. Hindi tayo dapat mabigla sa oras na ito ng mga matitinding kaganapan; sapagkat ang anghel ng awa ay hindi na maaaring manatili nang mas matagal upang kanlungan ang mga hindi nagsisisi. PK 278.1

“Sapagka't, narito, ang Panginoon ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang parusahan ang mga nananahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan: ililitaw naman ng lupa ang kaniyang dugo, at hindi na tatakpan ang kaniyang nangapatay. Isaias 26:21 . Ang unos ng poot ng Diyos ay natitipon; at yaon lamang mga titindig na tumutugon sa mga paanyaya ng awa, gaya ng ginawa ng mga naninirahan sa Nineve sa ilalim ng pangangaral ni Jonas, at nagiging banal sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng banal na Tagapamahala. Ang mga matuwid lamang ang itatago kasama ni Cristo sa Diyos hanggang sa ang pagkasira ay matapos…” PK 278.2

Linggo, Oktubre 29

Mga Idinadahilan Natin: Takot


Basahin ang Nahum 1;1; Nahum 3:1-4; at 2 Hari 17:5, 6; 2 Hari 19:32-37 . Ano ang ipinahahayag ng mga talatang ito patungkol sa Nineve at sa ugnayan ng Asiria at Israel? Paano nito naaapektuhan ang naging pasya ni Jonas na pumunta sa Tarsis?

Ang buong karanasan ni Jonas ay maaaring isang tipo [type] ng bayan ng Diyos na may dalang mensahe na kanilang ipahahayag sa mundo. Ito ay maaaring isang uri ng mga tungkulin na ibinigay ng Diyos sa Kanyang bayan at sila, tulad ni Jonas, ay nais na isantabi ito at "hayaan ang iba na gawin ito," wika nga.

“Habang iniisip ng propeta ang mga paghihirap at tila imposible na atas nito, natukso siyang pagdudahan ang naging pagtawag. Sa pananaw ng tao, waring walang mapapala sa paghahayag ng gayong mensahe sa mapagmataas na lunsod na iyon. Nakalimutan niya pansamantala na ang Diyos na pinaglilingkuran niya ay matalino at makapangyarihan sa lahat. Habang siya ay nag-aalangan, at nag-aalinlangan, binigyan siya ni Satanas ng panghihina ng loob. Ang propeta ay dinapuan ng matinding pangamba, at “si Jonas ay bumangon upang tumakas na patungo sa Tarsis.” siya'y lumusong sa Joppe, at nakasumpong ng sasakyan na patungo sa Tarsis: sa gayo'y nagbayad siya ng upa niyaon, at siya'y lumulan kasama nila.” Jon 1:3.” PK 266.2

Naghanda ang Diyos ng malaking isda upang lamunin si Jonas dahil determinado Siya na si Jonas ang siyang magdadala ng mensahe sa Nineveh at si Jonas, na hindi umaayon na gawin ito, ay nagsaayos sa kanyang daan patungo sa ibang lugar kaysa sa Nineveh. At kaya nilamon ng isda si Jonas upang dalhin siya kung saan nais ng Diyos na siya ay pumunta. Ang karanasan ni Jonas habang siya ay nasa tiyan ng isda ay naging mabuti para sa kanya, dahil ito ang naging dahilan upang matanto niya sa isang antas ang kanyang pangangailangan sa Diyos. Napagtanto niya na wala siyang pagasa kung wala ang agarang pagtulong ng Diyos. 

Lunes , Oktubre 30

Mga Idinadahilan Natin: Mga Maling Palagay


Basahin ang Jonas 2:1-3, 7-10. Ano ang ipinakikita ng mga talatang sa kung papaano nagsimulang maunawaan ni Jonas ang paglalaan ng Diyos?

“Sa atas na ibinigay sa kanya, si Jonas ay pinagkatiwalaan ng isang mabigat na responsibilidad; gayunpaman, Siya na nag-utos sa kanya na umalis ay nagawang suportahan ang Kanyang lingkod at bigyan siya ng tagumpay. Kung ang propeta ay sumunod nang walang pag-aalinlangan, siya ay hindi dadanas ng maraming mapapait na karanasan, at pagpapalain nang sagana. Ngunit sa oras ng kawalang pag-asa ni Jonas ay hindi siya pinabayaan ng Panginoon. Sa pamamagitan ng sunud-sunod na pagsubok at kakaibang mga paglalaan, ang pagtitiwala ng propeta sa Diyos at sa Kanyang walang hanggang kapangyarihang magligtas ay muling nabuhay. PK 266.3

“Kung noong panahong dumating ang pagtawag kay Jonas ay huminto siya at pinagbulayan ito ng mahinahon, maaari sanang nalaman niya kung gaano magiging walang saysay ang anumang pagsisikap sa kanyang bahagi na takasan ang responsibilidad na iniatang sa kanya. Ngunit hindi hahayaan na siya ay pahintulutang magpatuloy sa kanyang hangal na landasin. “Nguni't ang Panginoon ay nagpasapit ng malakas na hangin sa dagat, at nagkaroon ng malakas na unos sa dagat, na anopa't ang sasakyan ay halos masira. Nang magkagayo'y nangatakot ang mga taong dagat at dumaing ang bawa't tao sa kanikaniyang dios; at kanilang inihagis sa dagat ang mga daladalahang nangasa sasakyan upang makapagpagaan sa kanila. Nguni't si Jonas ay bumaba sa pinakaloob na bahagi ng sasakyan; at siya'y nahiga at nakatulog ng mahimbing.” Mga Talata 4, 5 . PK 267.1

“Habang ang mga taong dagat ay dumaing sa kanikaniyang dios, lumapit sa kaniya ang puno ng sasakyan, at sinabi sa kaniya, Ano ang inaakala mo, O matutulugin? bumangon ka, tumawag ka sa iyong Dios, baka sakaling alalahanin ng Dios tayo, upang huwag tayong mangamatay.” Talata 6 . PK 267.2

“Ngunit ang mga panalangin ng taong lumihis sa landas ng tungkulin ay walang maidudulot na tulong. Sa pagiisip ng mga taong dagat na ang kakaibang karahasan ng bagyo ay dulot ng galit ng kanilang mga diyos, iminungkahi bilang huling paraan ang sila’y mangagsapalaran “upang kanilang maalaman kung dahil kanino dumating ang kasamaang ito sa kanila. Sa gayo'y nangagsapalaran sila, at ang palad ay nahulog kay Jonas. Nang magkagayo'y sinabi nila sa kaniya, Isinasamo namin sa iyo na iyong saysayin sa amin, kung dahil kanino dumating ang kasamaang ito sa atin; ano ang iyong hanap-buhay? at saan ka nanggaling? ano ang iyong lupain? at taga saang bayan ka? PK 267.3

“At kaniyang sinabi sa kanila, Ako'y isang Hebreo; at ako'y natatakot sa Panginoon, sa Dios ng langit, na siyang gumawa ng dagat at ng tuyong lupain. Nang magkagayo'y nangatakot na mainam ang mga tao, at sinabi sa kaniya, Ano itong iyong ginawa? Sapagka't talastas ng mga tao na siya'y tumatakas mula sa harapan ng Panginoon, sapagka't isinaysay niya sa kanila, Nang magkagayo'y sinabi nila sa kaniya, Anong gagawin namin sa iyo, upang ang dagat ay tumahimik sa atin? sapagka't ang dagat ay lalo't lalong umuunos. At sinabi niya sa kanila, Ako'y inyong buhatin, at ihagis ninyo ako sa dagat; sa gayo'y ang dagat ay tatahimik sa inyo: sapagka't talastas ko na dahil sa akin dumating ang malaking unos na ito sa inyo. Gayon ma'y ang mga lalake ay nagsisigaod na mainam upang bumalik sa lupa; nguni't hindi nila magawa; sapagka't ang dagat ay lalo't lalong umuunos laban sa kanila. Kaya't sila'y nagsidaing sa Panginoon, at nangagsabi, Ipinamamanhik namin sa iyo, Oh Panginoon, ipinamamanhik namin sa iyo, huwag mo kaming ipahamak dahil sa buhay ng lalaking ito, at huwag mong ihulog sa amin ang walang salang dugo; sapagka't ikaw, Oh Panginoon, iyong ginawa ang nakalulugod sa iyo. Sa gayo'y kanilang binuhat si Jonas, at inihagis sa dagat; at ang dagat ay tumigil sa kaniyang poot. Nang magkagayo'y nangatakot na mainam ang mga tao sa Panginoon; at sila'y nangaghandog ng isang hain sa Panginoon, at nagsipanata.” PK 268

“Sa wakas ay napagtanto ni Jonas na “ang pagliligtas ay ukol sa Panginoon.” Awit 3:8 . Sa pagsisisi at pagkilala sa nagliligtas na biyaya ng Diyos, dumating ang kaligtasan. Si Jonas ay pinalaya mula sa panganib ng kalaliman at iniluwa sa tuyong lupa.” PK 269.6

Martes, Oktubre 31

Mga Idinadahilan Natin: Kaabalahan


Basahin ang Jonas 3. Paano tumugon ang mga tao sa ipinangaral ni Jonas? Anong mga liksyon mayroon dito para sa atin tungkol sa pangangaral?

Pagkarating ni Jonas sa pampang matapos ang kaniyang naging karanasan sa dagat, ang kanyang susunod na hakbang ay ang magpahayag ng mensahe sa Nineve upang iligtas ito dahil kung hindi gayon ay walang pangangailangan na ipadala si Jonas doon. Sa katapusan ng ibinigay na apatnapung araw, ang Nineve ay nanatiling nakatindig. Sa bagay na ito, dapat sana’y naging magalak si Jonas sa kanyang naging bahagi sa pagliligtas sa Nineveh. Ngunit sa halip ay naghinanakit na mainam Jonas at isinamo na kitlin ang kanyang buhay.

Alalahanin na ang Nineve ay nagsisi at nagpahayag ng pag-aayuno. At maging ang mga bakahan ay nalalaman na ang Nineveh ay nagsisi, ngunit si Jonas ay hindi alam ito. Malamang na si Jonas ay naging mapagmataas at higit na nag-aalala sa pagsasakatuparan ng kanyang propesiya kaysa sa kaligtasan ng lungsod, sapagkat siya ay nanghinayang sa pagkalanta ng halamang kikayon kaysa sa magalak sa pagsisisi ng Nineveh!

Alalahanin na ang Diyos ay hindi interesado sa iyong makasariling gawain, ngunit sa iyo at sa Kanyang nagliligtas na gawain lamang. Kung gayon ay hindi maaaring maglingkod ka sa kayamanan (sarili), at gayundin ay umasa sa Kanyang pagpapala sa mga kayamanang iyon. Walang sinuman sa sanlibutan ang maaaring magpursigi para sa kanyang sariling interes at umasa na siya ay i-popromote ng kanyang kumpanya, o panatilihin siya sa anumang posisyon ng tungkulin. Walang employer ang kukuha ng mga tao dahil gusto niyang magbigay hanapbuhay sa kanyang empleyado, ngunit dahil nais niyang mapangalagaan ang sarili niyang negosyo. Alalahanin na ang gawain ng Diyos ay may higit na kahalagahan at may malawak na impluwensya kaysa sa anumang gawain ng sinumang tao, at na ang Diyos ay higit na partikular kaysa sinumang tao higit kailanman.

Matt. 11:28-30 – “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagka't malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan”

Laging tandaan na hindi ka tinawag ng Diyos sa iyong tungkulin para pakainin ka o para payamanin ka, kundi para iligtas ka at iligtas ang iba sa pamamagitan mo. Kaya nga, anuman ang iyong gawin, gawin mo ito para sa ikaluluwalhati ng Diyos. Sa pagsasagawa lamang ng ganito Niya ibibigay ang “lahat ng mga bagay,” ang mga bagay na nakikita ng Diyos na nararapat na ibigay. Titiyakin Niya na makukuha mo ang iyong mga pangangailangan. Ang pananampalataya na mas mababa kaysa ng kila Noah, Job, at Daniel ay hindi magiging sapat, mga Kapatid, dahil ang pagkukulang na ito ay isang insulto sa Diyos. Ito ay katulad ng pagtawag sa Kanya na isang manlilinlang. Ang pagdududa sa mga pangako ng Diyos ay lubusang nagaalis sa nagdududa ng lahat ng mga pagpapala at pangako ng Diyos. Tanging sa pagkakaroon ng tiwala sa Kanya, Siya “magiging gaya ng isang kublihang dako sa hangin, at kanlungan sa bagyo, gaya ng mga ilog ng tubig sa tuyong dako, gaya ng lilim ng malaking bato sa kinapapagurang lupain.” Isa. 32:2.

“Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” Mabuti ang pangakong ito noong panahon ni David, at mananatili itong mabuti ngayon

Miyerkules , Nobyembre 1

Mga Idinadahilan Natin: Mga Di-Kumportableng Paghaharap


Basahin ang Jonas 4. Ano ang problema sa taong ito?

“Nang malaman ni Jonas ang layunin ng Diyos na iligtas ang lunsod na, sa kabila ng kasamaan nito, ay naakay na magsisi na nangagsuot ng kayong magaspang at naupo sa mga abo, marapat sana na siya ang unang magalak dahil sa kamangha-manghang biyaya ng Diyos; ngunit sa halip ay pinahintulutan niya ang kanyang isip na isipin ang posibilidad na siya ay ituring na isang huwad na propeta. Dahil sa paninibugho sa kanyang reputasyon, nawala sa kanyang paningin ang walang hanggang kahigitan na halaga ng mga kaluluwa sa kahabag-habag na lungsod na iyon. Ang habag na ipinakita ng Diyos sa nagsisising mga taga-Nineve ay “nakapaghinanakit ng mainam kay Jonas at siya'y nagalit.” “di baga ito ang aking sinabi,,” ang tanong niya sa Panginoon, “nang ako'y nasa aking lupain pa? Kaya't ako'y nagmadaling tumakas na patungo sa Tarsis; sapagka't talastas ko na ikaw ay Dios na mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob, at nagsisisi ka sa kasamaan.” Jonas 4:1, 2 . PK 271.1

“Muli siyang nagpadala sa kanyang kalooban na mag-kuwestiyun at mag-alinlangan, at muli ay napanghinaan siya ng loob. Ang pagkawalang-bahala sa kapakanan ng iba, at ang pakiramdam na parang mas gugustuhin pa niyang mamatay kaysa mabuhay upang makitang maligtas ang lungsod, sa kanyang kawalang-kasiyahan ay napabulalas siya, “Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, na kitlin mo ang aking buhay; sapagka't mabuti sa akin ang mamatay kay sa mabuhay.” PK 271.2

“At sinabi ng Panginoon, Mabuti baga ang iyong ginagawa na magalit? “Nang magkagayo'y lumabas si Jonas sa bayan, at naupo sa dakong silanganan ng bayan, at doo'y gumawa siya ng isang balag, at naupo siya sa ilalim niyaon sa lilim, hanggang sa kaniyang makita kung ano ang mangyayari sa bayan. At naghanda ang Panginoong Dios ng isang halamang kikayon, at pinataas sa itaas ni Jonas, upang maging lilim sa kaniyang ulo, upang iligtas siya sa kaniyang masamang kalagayan. Sa gayo'y natuwang mainam si Jonas dahil sa kikayon.” Mga Talata 3-6 . PK 272.1

“Pagkatapos ay binigyan ng Panginoon si Jonas ng isang liksyon. Nguni't naghanda ang Dios ng isang uod nang magumaga nang kinabukasan at sinira ang halamang kikayon, na anopa't natuyo. At nangyari, nang sumikat ang araw, na naghanda ang Dios ng mainit na hanging silanganan; at sinikatan ng araw ang ulo ni Jonas, na anopa't siya'y nanglupaypay, at hiniling niya tungkol sa kaniya na siya'y mamatay, at nagsasabi, Mabuti sa akin ang mamatay kay sa mabuhay.” PK 272.2

“At sinabi ng Dios kay Jonas, Mabuti baga ang ginagawa mo na magalit dahil sa kikayon? At kaniyang sinabi, Mabuti ang ginagawa ko na magalit hanggang sa kamatayan. At sinabi ng Panginoon, Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawang pung libong katao na hindi marunong magmunimuni ng kanilang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop? Mga Talata 7-11 . PK 272.4

“ Nalilito, napahiya, at hindi maunawaan ang layunin ng Diyos sa pagliligtas sa Nineve, gayunpaman ay tinupad ni Jonas ang atas na ibinigay sa kanya na balaan ang dakilang lunsod na iyon; at bagama't hindi nangyari ang pangyayaring hinulaan, ang mensahe ng babala ay nagmula sa Diyos. At naisakatuparan nito ang layuning idinisenyo ng Diyos na nararapat. Ang kaluwalhatian ng Kanyang biyaya ay nahayag sa kalagitnaan ng mga pagano. Yaong matagal nang “tumatahan sa kadiliman, at sa lilim ng kamatayan, na natatali sa dalamhati at pangaw; at “nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan. Inilabas niya sila sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, at pinatid ang kanilang mga tali.” “Sinugo niya ang kaniyang salita, at pinagaling sila, at iniligtas sila sa kanilang mga ikapapahamak.” Mga Awit 107:10, 13, 14, 20 .” PK 272.5

Huwebes , Nobyembre 2

Narito Ako, Suguin Mo Ako


Basahin ang Isaias 6:1-8. Ano ang pangunahing kaisipan sa talatang ito?

“Ang mga mensahero ng Diyos sa mga malalaking lungsod ay hindi dapat panghinaan ng loob dahil sa kasamaan, sa kawalang-katarungan, na tinawag sa kanila upang kaharapin habang nagsisikap na ipahayag ang mabuting balita ng kaligtasan. Pasisiglahin ng Panginoon ang bawat manggagawa sa parehong mensahe na ibinigay Niya kay apostol Pablo sa Corinto: “Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik: Sapagka't ako'y sumasaiyo, at sinoma'y hindi ka madadaluhong upang saktan ka: sapagka't makapal ang mga tao ko sa bayang ito.” Gawa 18:9, 10 . Alalahanin ng mga nakikibahagi sa ministeryong nagliligtas ng kaluluwa na bagama't marami ang hindi makikinig sa payo ng Diyos sa Kanyang salita, ang buong mundo ay hindi tatalikod sa liwanag at katotohanan, mula sa mga paanyaya ng isang matiyaga, at mapagtiis na Tagapagligtas. Sa bawat lungsod, kahit na puno ito ng karahasan at krimen, marami, sa tamang pagtuturo, ang matututong maging mga tagasunod ni Jesus. Sa gayon ay libu-libo ang maaaring maabot ng katotohanang nagliligtas at maakay upang tanggapin si Cristo bilang isang personal na Tagapagligtas. PK 277.2

“Ang mensahe ng Diyos para sa mga naninirahan sa sanlibutan ngayon ay, “Kaya nga kayo'y magsihanda naman; sapagka't paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.” Mateo 24:44 . Ang mga kalagayang namamayani sa lipunan, at lalo na sa mga malalaking lungsod ng mga bansa, ay nagpapahayag na ang oras ng paghatol ng Diyos ay dumating na at na ang katapusan ng lahat ng bagay sa lupa ay malapit na. Tayo ay nakatayo sa bingit ng kasukdulan ng krisis ng kapanahunan. Sa mabilis na pagkakasunud-sunod ang mga paghatol ng Diyos ay susunod sa bawat isa—apoy, at baha, at lindol, na may digmaan at pagdanak ng dugo. Hindi tayo dapat mabigla sa oras na ito ng mga matitinding kaganapan; sapagkat ang anghel ng awa ay hindi na maaaring manatili nang mas matagal upang kanlungan ang mga hindi nagsisisi. PK 278.1

“Sapagka't, narito, ang Panginoon ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang parusahan ang mga nananahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan: ililitaw naman ng lupa ang kaniyang dugo, at hindi na tatakpan ang kaniyang nangapatay.” Isaias 26:21 . Ang unos ng poot ng Diyos ay natitipon; at yaon lamang mga titindig na tumutugon sa mga paanyaya ng awa, gaya ng ginawa ng mga naninirahan sa Nineve sa ilalim ng pangangaral ni Jonas, at nagiging banal sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng banal na Tagapamahala. Ang mga matuwid lamang ang itatago kasama ni Cristo sa Diyos hanggang sa ang pagkasira ay matapos…” PK 278.2

Biyernes, Nobyembre 3

Karagdagang Kaisipan

“Si Cristo sa panahon ng Kanyang ministeryo sa lupa ay tinukoy ang kabutihang ginawa ng pangangaral ni Jonas sa Nineveh, at inihambing ang mga naninirahan sa sentrong paganong iyon sa mga nag-aangking bayan ng Diyos noong Kanyang panahon. Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Nineve na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't sila'y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas.” Mateo 12:40, 41 . Sa abalang sanlibutan, na puno ng ingay ng komersiyo at alitan sa kalakalan, kung saan sinisikap ng bawat tao na makuha ang lahat ng kanilang makakaya para sa sarili, si Cristo ay dumating; at sa ibabaw ng mga kalituhan ang Kanyang tinig na tulad ng trumpeta ng Diyos ay narinig: “Sapagka't ano ang mapapakinabang ng tao, na makamtan ang buong sanglibutan, at mapapahamak ang kaniyang buhay? Sapagka't anong ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?” Marcos 8:36, 37 . PK 273.1

“Kung paanong ang pangangaral ni Jonas ay isang tanda sa mga naninirahan sa Ninive, gayundin ang pangangaral ni Cristo ay isang tanda sa Kanyang henerasyon. Ngunit anong laki ng kaibahan sa naging pagtanggap sa salita! Ngunit sa harap ng kawalang-interes at pangungutya, ang Tagapagligtas ay nagpagal at nagpatuloy, hanggang sa matapos Niya ang Kanyang misyon.” PK 274.1