Nananabik sa Diyos sa Zion

Liksyon 11, Unang Semestre Marso 9-15, 2024

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download Pdf

Hapon ng Sabbath, Marso 9

Talatang Sauluhin:

“Ang kaluluwa ko'y aasamasam, oo, nanglulupaypay sa mga looban ng Panginoon; ang puso ko't laman ay dumadaing sa buhay na Dios.” KJV - Awit 84:2


“Kinakailangan ng panalangin,—ng pinakataimtim, at nagsusumamong panalangin,—gaya ng panalanging inialay ni David nang kaniyang ibulalas: “Kung paanong humihingal ang usa sa pagkauhaw sa tubig ng mga batis, gayon humihingal ang aking kaluluwa sa pagkasabik sa iyo, Oh Dios.” “ako'y nanabik sa iyong mga tuntunin; Aking pinanabikan ang iyong pagliligtas.” “Ang kaluluwa ko'y aasamasamoo, nanglulupaypay sa mga looban ng Panginoon; ang puso ko't laman ay dumadaing sa buhay na Dios.” “Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik na tinatamo sa iyong mga kahatulan sa lahat ng panahon.” [ Awit 42:1 ; 119:40, 174 ; 84:2 ; 119:20 .] Ito ang diwa ng panalanging pakikipagbuno, gaya ng taglay ng maharlikang salmista. Nanalangin si Daniel sa Diyos na hindi nagtataas o nag-aangkin ng anumang kabutihan: “Oh Panginoon, dinggin mo; Oh Panginoon, patawarin mo; Oh Panginoon, iyong pakinggan at gawin; huwag mong ipagpaliban, alangalang sa iyong sarili, Oh Dios ko.” [ Daniel 9:19 .] Ito ang tinatawag ni Santiago na mabisa at taimtim na panalangin. Tungkol kay Cristo ay sinasabi, “At nang siya'y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas.” [ Lucas 22:44 .] O anung kaibahan sa pamamagitan na ito ng Kamahalan ng langit ang mahina, at walang pusong mga panalangin na iniaalay sa Diyos. Marami ang nasisiyahan sa paimbabaw na pagsamba, ngunit kakaunti ang may tunay, taimtim, at magiliw na pananabik sa Diyos.” GW92 35.3

Linggo, Marso 10

Ang Isang Araw sa Iyong mga Bulwagan ay Mabuti kaysa Isang Libo


Basahin ang Awit 84:1-12. Bakit nananabik ang mang-aawit na tumira sa santuwaryo? Sino pa ang mabibigyang pagpapala ng santuwaryo?

“Oh, bakit hindi gumigising ang iglesia ni Cristo, at hindi isinusuot ang kanyang magagandang kasuotan? Bakit hindi siya nagniningning Ang malaking dahilan ng gayong mahinang uri ng Kristiyanismo ay dahil sa mga nag-aangking naniniwala sa katotohanan ngunit mayroon lamang maliit na kaalaman tungkol kay Cristo, at napakababang pangunawa sa kung ano Siya sa kanila, at kung ano sila sa Kanya. Nasa atin ang pinaka-solemne at mabibigat na katotohanang ibinigay sa mga tao. Kung ang ating mga salita, ang ating mga iniisip, ang ating mga kilos ay mas dalisay at nakatataas, at higit na naaayon sa banal na pananampalataya na ating ipinahahayag, magkakaroon tayo ng malalim na pangunawa sa responsibilidad na nakaatang sa atin. O anong solemne, anong katiyakan, ang lilitaw! Dapat tayong magkaroon ng mas malalim na unawa sa ating mga obligasyon, at dapat nating gawin itong palagiang layunin na gawing perpekto ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos. Ang mga makalupang bagay ay mas mababa sa anumang bagay na makalangit at walang hanggan. ” PrT August 16, 1894, par. 1

“Kung tayo ay nahihirapan, kailangan natin ang biyaya ni Cristo na umaalalay sa atin. Magkakaroon tayo ng matiwasay at magiliw na pagtitiwala sa Diyos. Ang Salita ng Diyos ay ang tinapay ng buhay. Maaari nating namnamin ang masaganang mga pangako nito. Espesyal akong nanalangin para sa iyo ngayong umaga, na ang iyong kaluluwa ay magkaroon ng isang sariwang bautismo ng Banal na Espiritu; upang ikaw ay maupong kasama ni Cristo sa mga makalangit na dako, na inilalagak ang lahat ng inyong pag-aalala sa Kanya na nagmamalasakit sa inyo; upang si Satanas kasama ang kanyang mga tukso ay hindi makapaghihiwalay sa inyo sa pag-ibig ni Cristo Jesus na inyong Panginoon. 18LtMs, Lt 93, 1903, par. 7

“Isa ka sa mga nakatatandang anak ng Diyos. Ang iyong mga anak ay Kanyang maliliit na anak. Ang iyong asawa ay ang pari ng sambahayan. Maaari mong ihilig ang iyong kaluluwa sa kanyang malalim na pagmamahal. Kung kayo ay magkahiwalay, maaari kayong sumulat sa isa't isa. Kapag sumulat ka sa kanya, sabihin na ipinagdarasal ko kayong dalawa. Natanggap ko para sa kanya ang nakaaaliw na katiyakan na ang Panginoon ay magiging Kanyang Katuwang at iingatan siya sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan. “Mapalad ang tao na ang kalakasan ay nasa iyo; na may mga daan sa kaniyang puso na tungo sa Sion.” Sapagka't ang Panginoong Dios ay araw at kalasag: ang Panginoo'y magbibigay ng biyaya at kaluwalhatian: hindi siya magkakait ng anomang mabuting bagay sa nagsisilakad ng matuwid. Oh Panginoon ng mga hukbo, mapalad ang tao na tumitiwala sa iyo.” [ Awit 84:5, 11, 12 .] Ang katuwiran ni Cristo ay mangunguna sa kaniya, at siya ay papatnubayan mula sa itaas.” 18LtMs, Lt 93, 1903, par. 8

Lunes , Marso 11

Manalangin para sa Kapayapaan ng Jerusalem


Basahin ang Awit 122:1-9. Ano ang mga saloobin ng mga mananamba sa kanilang pagdating sa Jerusalem? Ano ang inaasahan nilang makita sa Jerusalem? Ano ang pangunahing panalangin ng bayan ng Diyos?

“ Si Miriam, ang kapatid ni Moises na minsang nanguna sa mga kababaihan ng Israel na may mga pandereta, na nagsasabi, “Umawit sa Panginoon, sapagka't siya'y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati.” [ Exodo 15:21 ] Ang mga anak ni Israel sa loob ng 1500 taon ay hinabi ang kanilang kamangha-manghang karanasan sa awit. Inawit nila ang mga dakilang salmo ng Hebreo ng may parehong paggalang at debosyon na nagbigay inspirasyon sa kompositor ng sagradong himig. Itinaas nila ang Diyos; dinala nila ang kanilang karanasan sa kasaysayan at itinaas ang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos. Ang mga pagdalaw ng mga anghel sa mga ama at ang Kanyang mga paghahayag sa mga propeta ay hinabi lahat sa kanilang mga awit, na ipinagdiriwang ang kadakilaan at kapangyarihan at kamangha-manghang mga gawa ni Jehova. Sa tunog ng hudyat ng trumpeta at sa musika ng mga simbalo, ang mga tinig ng papuri at pasasalamat ay lumabas mula sa libu-libong tinig, “Ako'y natutuwa nang kanilang sabihin sa akin, tayo'y magsiparoon sa bahay ng Panginoon. Ang mga paa natin ay nagsisitayo sa loob ng iyong mga pintuang-bayan, Oh Jerusalem.” Awit 122:1, 2 . Sa mga pulutong na ito na nagmamartsa patungo sa banal na lungsod, wala ni isa ang pumuntang walang dala. Ang mga bunga ng kanilang ani sa bukid at halamanan, at mga handog ng lahat ng uri ay dala-dala ng mga mananamba. Ang pinakamaganda at pinakapili sa lahat ay kinuha upang iharap bilang isang alay kay Jehova sa santuwaryo. Ang debosyon sa Diyos ang utos sa lahat ng bumibisita sa santuwaryo. Dapat ay ganoon din sa atin. Nang ang mga paglalakbay na ito ay humantong sa nakapalibot na mga burol sa banal na lungsod, sila ay tumingin nang may paggalang na pagkamangha sa pulutong ng mga tao na tulad nila ay bumabaybay sa daan patungo sa templo. Habang nakikita nila ang usok ng insenso na umaakyat at narinig ang mga trumpeta ng mga Levita na nagbabadya ng pagsikat ng araw, ang mga tao ay napukaw ng inspirasyon ng oras at nagsimulang magsiawit ng mga sagradong awit. “Dakila ang Panginoon, at marapat pakapurihin, sa bayan ng aming Dios, sa kaniyang banal na bundok. Maganda sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa, siyang bundok ng Sion, sa mga dako ng hilagaan.” Awit 48:1 . “Kapayapaan nawa ang sumaloob ng inyong mga kuta, at kaginhawahan sa loob ng iyong mga palasio.” Awit 122:7 . “Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran; aking papasukan, ako'y magpapasalamat sa Panginoon.” Awit 118:19 . “Aking babayaran ang mga panata ko sa Panginoon, Oo, sa harapan ng buo niyang bayan; Sa mga looban ng bahay ng Panginoon, sa gitna mo, Oh Jerusalem. Purihin ninyo ang Panginoon.” Awit 116:18, 19 . “Dahil sa bahay ng Panginoon nating Dios. Hahanapin ko ang iyong buti.” Awit 122:9 .” 4LtMs, Ms 23, 1886, par. 20

Martes, Marso 12

Zion – Ang Tahanan ng lahat ng Bansa


Basahin ang Awit 87:1-7. Ano ang dahilan kung bakit ang Zion ay pinagpipitagang lugar? Ano ang mga maluwalhating bagay na binanggit tungkol sa Zion?

“Sa sandaling si David ay natatag sa trono ng Israel, siya ay nagsimulang humanap ng mas angkop na lokasyon para sa kabisera ng kanyang kaharian. Dalawampung milya mula sa Hebron, isang lugar ang napili upang maging kalakhang lungsod ng kaharian. Bago pinamunuan ni Josue ang mga hukbo ng Israel sa Jordan ay tinawag itong Salem. Malapit sa lugar na ito pinatunayan ni Abraham ang kanyang katapatan sa Diyos. Walong daang taon bago ang koronasyon ni David, ito ay naging tahanan ni Melquisedec, ang saserdote ng kataas-taasang Diyos. Ito ay nagtataglay ng isang sentral at mataas na posisyon sa bansa at protektadong lugar na napaliligiran ng mga burol. Dahil nasa hangganan sa pagitan ng Benjamin at Juda, ito ay malapit sa Efraim at dahilan upang madaling puntahan ang ibang mga tribo. PP 703.1

“Upang matiyak ang lokasyong ito, kailangang alisin ng mga Hebreo ang nalabi sa mga Canaanita, na nagtataglay ng matibay na posisyon sa mga bundok ng Sion at Moriah. Ang moog na ito ay tinawag na Jebus, at ang mga naninirahan dito ay kilala bilang mga Jebusita. Sa loob ng maraming siglo, ang Jebus ay itinuring na hindi magagapi; ngunit ito ay nakubkob at nadakip ng mga Hebreo sa ilalim ng pamumuno ni Joab, na, bilang gantimpala ng kanyang kagitingan, ay ginawang punong pinuno ng mga hukbo ng Israel. Ang Jebus ngayon ay naging pambansang kabisera, at ang paganong pangalan nito ay pinalitan ng Jerusalem.” PP 703.2

Ang bayan ng Diyos ay tinatawag na “ ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago.” [ Mateo 5:14 .] “Maluwalhating mga bagay ang sinalita tungkol sa iyo, Oh bayan ng Dios.” “Ang Dios ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos.” [ Awit 87:3 ; 46:5 .] Ang Araw ng Katuwiran ay sumikat sa iglesia, at tungkulin ng iglesia na magningning. Yaong mga konektado kay Cristo ay lalago sa biyaya at sa kaalaman kay Jesu-Cristo, hanggang sa ganap na kataasan ng mga lalaki at babae. Pribilehiyo ng bawat kaluluwa na umunlad. Walang dapat maging tamad sa ubasan. 7LtMs, Ms 13, 1892, par. 8

“At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon. At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas: sapagka't mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem. At siya'y hahatol sa gitna ng mga bansa, at sasaway sa maraming tao: at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangagaaral pa man sila ng pakikipagdigma.” KJV - Isaias 2:2-4

Miyerkules , Marso 13

Kaligtasan at Kapayapaan ng Zion


Basahin ang Awit 46:1-11. Paano inilarawan dito ang mundo sa patulang paraan? Ano ang tugon ng Diyos sa karahasan at pagkawasak sa mundo?

“Kung ang kaligayahan ay maaaring makuha mula sa panlabas na mga pinagmumulan at hindi mula sa Banal na Bukal, ito ay magiging pabago-bago at paiba-iba; ngunit ang kapayapaan ni Cristo ay isang patuloy at namamalagi na kapayapaan. Hindi ito nakadepende sa anumang pangyayari sa buhay, sa dami ng makamundong pag-aari, o sa dami ng makalupang kaibigan. Si Cristo ang bukal ng buhay na tubig, at ang kaligayahan at kapayapaang nagmumula sa Kanya ay hindi kailanman magkukulang, sapagkat Siya ay isang bukal ng buhay. Masasabi ng mga nagtitiwala sa Kanya: “Ang Dios ay ating ampunan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan. Kaya't hindi tayo matatakot bagaman ang lupa ay mabago, at bagaman ang mga bundok ay mangaglipat sa kagitnaan ng mga dagat; Bagaman ang tubig niyaon ay magsihugong at mabagabag. Bagaman ang mga bundok ay mangauga dahil sa unos niyaon. May isang ilog, na ang mga agos ay nagpapasaya sa bayan ng Dios. Sa banal na dako ng mga tabernakulo ng Kataastaasan.” ( Awit 46:1-4 ). FW 88.2

“Kaya't ang Sion ay bubukirin na parang isang bukid dahil sa inyo, at ang Jerusalem ay magiging mga bunton, at ang mga bundok ng bahay ay parang mga mataas na dako sa isang gubat.” KJV - Mikas 3:12

“Nguni't sa mga huling araw ay mangyayari, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at matataas sa mga burol; at mga tao'y paroroon sa kaniya. At maraming bansa'y magsisiparoo't mangagsasabi, Magsiparito kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, at sa bahay ng Dios ni Jacob; at siya'y magtuturo sa atin ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas. Sapagka't sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem; At siya'y hahatol sa gitna ng maraming bayan, at sasaway sa mga matibay na bansa sa malayo: at kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsud, at ang kanilang mga sibat upang maging karit; ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni magaaral pa man ng pakikipagdigma.

Kundi sila'y uupo bawa't isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos; at walang tatakot sa kanila: sapagka't sinalita ng bibig ng Panginoon ng mga hukbo. Sapagka't ang lahat na bayan ay magsisilakad bawa't isa sa pangalan ng kanikaniyang dios: at tayo'y magsisilakad sa pangalan ng Panginoon nating Dios magpakailan kailan man.” KJV - Mikas 4:1-5

Una, ang kaharian ng Judah ay mawawasak – “ang Sion ay bubukirin bilang isang bukid at ang Jerusalem ay naging bunton.”

At sa mga huling araw, ito ay muling itatatag, at itataas sa itaas ng mga kaharian ng mga Gentil.

Ikatlo, kapag ito ay “naitatag,” maraming mga bansa ang pupunta dito, at aanyayahan ang isa't isa na pumunta doon upang matuto sa paraan ng Panginoon at lumakad sa Kanyang mga landas. Ito ay mangyayari dahil “lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon mula sa Jerusalem.”

Ikaapat, hahatol ang Panginoon mula sa Sion, at mula doon ay sasaway sa mga matibay na bansa sa malayo. Yaong mga tatanggap ng Kanyang pagsaway ay papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsud, at ang kanilang mga sibat upang maging karit. Ang mga bansang sasapi sa Kaharian ng Panginoon ay hindi na muling magtataas ng tabak laban sa bansa, ni magaaral pa man ng pakikipagdigma. Hindi na sila mangangailangan ng sandata, sapagkat sila ay poprotektahan ng isang kutang apoy sa palibot.” Ayon sa Zech. 2:5. Bawat tao ay uupo sa ilalim ng kanyang puno ng igos, at walang tatakot sa kanila, “sapagkat sinalita ito ng Panginoon ng mga hukbo.”

Ikalima, ang bawat isa na hindi pupunta sa Jerusalem, at hindi mag-aalis ng sandata, ay lalakad sa pangalan ng kanyang sariling huwad na diyos. Ngunit lahat ng sasama sa kaharian ng Juda ay lalakad sa pangalan ng Panginoon nating Diyos magpakailanman. 

Huwebes, Marso 14

Hindi Natitinag tulad ng Bundok Zion


Basahin ang Awit 125:1-5. Paano inilarawan dito ang mga nagtitiwala sa Diyos? Paano tinutukso ang mga matuwid? Ano ang aral para sa atin?

“Silang nagsisitiwala sa Panginoon ay parang bundok ng Sion, na hindi maaaring makilos, kundi nananatili magpakailan man. Kung paanong ang mga bundok na nangasa palibot ng Jerusalem, gayon ang Panginoon sa palibot ng kaniyang bayan, mula sa panahong ito at sa magpakailan man.”Awit 125:1, 2 . LHU 228.1

Ang krus, na siyang instrumento ng kahihiyan at pagpapahirap, ang nagdala ng pag-asa at kaligtasan sa mundo. Ang mga disipulo ay mabababa lamang na mga tao, walang kayamanan, at walang sandata kundi ang salita ng Diyos; gayunpaman sa lakas ni Cristo ay humayo sila upang ibahagi ang kahanga-hangang kuwento ng sabsaban at krus, at ng pananagumpay laban sa lahat ng oposisyon. Mga walang makalupang karangalan o pagkilala, sila ay mga bayani ng pananampalataya. Mula sa kanilang mga labi ay lumabas ang mga salita ng banal na pagsasalita na lumiglig sa mundo. LHU 228.2

Ang pakinabang na dulot ng katotohanan sa atin ay hindi nakasalalay sa kaalamang natatamo natin sa pamamagitan ng pag-aaral kundi sa kadalisayan ng ating layunin at taimtim na mga pananampalataya. Ang pagbabasa lamang ng tagubiling ibinigay sa Salita ng Diyos ay hindi sapat. Dapat tayong magbasa nang may pagninilay-nilay at panalangin, na puno ng taimtim na pagnanais na matulungan at pagpalain. At ang katotohanang natutuhan natin ay dapat maisabuhay sa pang-araw-araw na karanasan. Yaong mga may tunay na pagkaunawa sa katusuhan ng mga silo ni Satanas sa mga huling mga araw na ito ay dapat lumakad nang may takot at panginginig, na may dakilang pagpapakumbaba, at sa bawat hakbang ay humihingi ng banal na patnubay. Tuturuan sila ng mga anghel ng Diyos. Binubuksan ng Banal na Espiritu ang mga katotohanan sa lahat ng mapagpakumbaba at nagsisising puso. Isang bukal ang nabuksan para sa Juda at Jerusalem, kung saan maaari tayong mahugasan at maging malinis. Siya na magdadalisay ng kanyang kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan ay makikita at pahalagahan ang pag-ibig at awa ng Diyos Kanyang pinangalat sa landas ng kanyang mga anak. Malalaman niya na ang mga landas ayon sa pag-iisip ng tao ay humahantong sa walang hanggang kapahamakan. 16LtMs, Lt 69, 1901, par. 15

Biyernes, Marso 15

Karagdagang Kaisipan

“O, nakakalungkot na si Satanas ay may napakaraming katulong sa mga dapat sana ay kumikilos bilang katuwang ni Cristo sa paghikayat sa mga kabataan na maabot ang isang mataas na pamantayan. Yaong mga dapat maging kapangyarihan sa pagdadala ng mga kaluluwa sa katotohanan ay nagpapahintulot kay Satanas na gamitin sila upang sirain ang relihiyosong karanasan ng mga taong kanilang nakakasama. Ang kanilang mga puso ay nabahiran, at nadungisan. Bilang mga mangangalunya sa puso kanilang inililigaw ang mga hindi naghihinala na si Satanas ay gumagawa upang sirain sila.” 16LtMs, Lt 69, 1901, par. 13

“Ang lahat ng mga lakad ng tao ay malinis sa harap ng kaniyang sariling mga mata: nguni't tinitimbang ng Panginoon ang mga diwa. Iukol mo sa Panginoon ang iyong mga gawa, at ang iyong mga panukala ay matatatag. ... Bawa't palalo sa puso ay kasuklamsuklam sa Panginoon: bagaman maghawakan sa kamay ay walang pagsalang parurusahan. Sa pamamagitan ng kaawaan at katotohanan ay nalilinis ang kasamaan: at sa pamamagitan ng pagkatakot sa Panginoon ay humihiwalay ang mga tao sa kasamaan. Pagka ang mga lakad ng tao ay nakapagpapalugod sa Panginoon, kaniyang tinitiwasay sa kaniya pati ng kaniyang mga kaaway.” [ Kawikaan 16:2, 3, 5-7 .] “Gawan mo ng mabuti, Oh Panginoon, yaong mabubuti, at yaong matutuwid sa kanilang mga puso. Nguni't sa nagsisiliko sa kanilang mga likong lakad, ilalabas ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan. Kapayapaan nawa ay suma Israel.” [ Awit 125:4, 5 .] 16LtMs, Lt 69, 1901, par. 14