Pakikibahagi sa Misyon ng Diyos

Liksyon, 4th Quarter Oktubre 21-27, 2023

img rest_in_christ
Ibahagi ang Liksyong ito
Download Pdf

Hapon ng Sabbath, Oktubre 21

Talatang Sauluhin:

“ Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa. Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa.” KJV - Juan 13:34, 35


“Ang pakikipagibigan ng Panginoon ay nasa nangatatakot sa kaniya.” Awit 25:14 Pinarangalan ni Abraham ang Diyos, at pinarangalan din siya ng Panginoon, binigyan siya ng Kanyang mga payo, at inihayag sa kanya ang Kanyang mga layunin. “At sinabi ng Panginoon, Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin.” “Sapagka't ang sigaw ng Sodoma at Gomorra ay malakas, at sapagka't ang kasalanan nila ay napakalubha; Ay bababa ako ngayon at titingnan ko kung ginawa nga ang ayon sa sigaw na dumarating hanggang sa akin; at kung hindi ay aking malalaman.” Batid ng Diyos ang sukat ng pagkakasala ng Sodoma; ngunit ipinahayag Niya ang Kanyang sarili ayon sa paraan ng mga tao upang ang katarungan ng Kanyang mga pakikitungo ay maunawaan. Bago magbaba ng hatol sa mga lumalabag ay pupunta Siya upang magsagawa ng pagsusuri sa kanilang naging gawi; kung hindi nila nalampasan ang mga hangganan ng banal ng awa ay bibigyan pa rin Niya sila ng pagkakataon para sa makapagsisi. PP 139.1

“Ang dalawa sa makalangit na mga sugo ay umalis at iniwan si Abraham na nag-iisa sa Kanya na nalalaman niyang Anak ng Diyos. At ang lalaking ito ng pananampalataya ay nagsumamo para sa mga naninirahan sa Sodoma. Minsan na niyang iniligtas sila sa pamamagitan ng kanyang tabak, ngayon ay sinikap niyang iligtas sila sa pamamagitan ng panalangin. Si Lot at ang kaniyang sambahayan ay nananahan pa rin doon; at ang di-makasariling pag-ibig na nag-udyok kay Abraham na iligtas sila mula sa mga Elamita, ang siya ring naguudyok ngayon upang hangarin na iligtas sila, kung kalooban ng Diyos, mula sa unos ng banal na paghatol.” PP 139.2

Linggo, Oktubre 22

Ang Kaloob ng Pagpapatuloy


Basahin ang Genesis 18:1-15. Anong mga elemento ng pagpapatuloy ang ipinakita sa pagtugon ni Abraham sa kaniyang mga panauhin?

Ang mabuting pagpapatuloy ni Abraham ang nagdulot ng napakalaking pagpapala sa kanyang tahanan – ang tatlong panauhing sinugo ng Langit ang muling nagpatibay sa pangako ng isang tagapagmana. At ang kanyang pagiging matulungin na ipakita sa kanila ang daan patungo sa lungsod sa pamamagitan ng paglalakad ng malayo kasama nila ay naging dahilan upang ipagtapat sa kanya ng mga anghel ang kanilang malungkot na misyon tungkol sa Sodoma. Walang tahanan, kung gayon, ang dapat na “makakalimutin sa pag-aliw sa mga estranghero: sapagkat sa gayon ang ilan ay nagpatuloy ng mga anghel nang hindi nalalaman.” Heb. 13:2

Si Abraham ay magiging isang dakila at makapangyarihang bansa dahil uutusan niya ang kanyang mga anak at ang kanyang sambahayan na sumunod sa Diyos, na sundin ang daan ng Panginoon, na gumawa ng “kaganapan at kahatulan.” Kinilala ng Diyos na ang tahanan ni Abraham ay magiging isang model home school, at sa gayon ang Patriyarka ay naging isang “kaibigan ng Diyos,” at ang “ama ng mga tapat.” Makikita na ang Diyos ay nagpaparangal sa mga magulang na pinamamahalaan nang tama ang kanilang mga tahanan, na nag-uutos sa kanilang mga sambahayan ayon sa Kaniya.

“Bawat gawi ng buhay, gaano man kaliit, ay may kinalaman sa mabuti o masama. Ang katapatan o pagpapabaya sa tila pinakamaliit na tungkulin ay maaaring magbukas ng pinto para sa pinakamayamang pagpapala sa buhay o sa mga pinakamalaking kalamidad nito. Ang maliliit na bagay ang sumusubok sa pagkatao. Ang mga hindi mapagpanggap na pagtanggi sa sarili sa araw-araw na ginagawa nang may kagalakan, at taos-puso ang kinaluluguran ng Diyos. Hindi tayo dapat nabubuhay para sa sarili, kundi para sa iba. Sa pamamagitan lamang ng paglimot sa sarili, at pagpapahalaga sa isang mapagmahal, matulungin na espiritu, magiging isang pagpapala ang ating buhay. Ang maliit na atensyon, ang maliit, at simpleng kagandahang-loob, ang bumubuo sa kaligayahan ng buhay, at ang pagpapabaya sa mga ito ay may malaking bahagi sa pagiging kahabag-habag ng tao.” PP 158.2

Lunes, Oktubre 23

Ang Pagmamahal ni Abraham Para sa lahat


Basahin ang Genesis 16:18-23. Paano ginamit ni Abraham ang kanyang magandang katangian ng pag-ibig para sa lahat ng tao nang walang pagtatangi sa lipi, lahi, at tao?

Tungkol kay Abraham ay nasusulat na “siya'y tinawag na kaibigan ng Dios,” “ ama ng lahat ng mga nagsisisampalataya. Santiago 2:23 ; Roma 4:11 . Ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa tapat na patriyarkang ito, “sinunod ni Abraham ang aking tinig, at ginanap ang aking bilin, ang aking mga utos, ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kautusan..” At muli, “Sapagka't siya'y aking kinilala, upang siya'y magutos sa kaniyang mga anak at sa kaniyang sangbahayan pagkamatay niya, na maingatan nila ang daan ng Panginoon, na gumawa ng kabanalan, at kahatulan; upang padatnin ng Panginoon, kay Abraham ang kaniyang ipinangako tungkol sa kaniya.” Ito ay isang mataas na karangalan kung saan tinawag si Abraham, na ama ng mga mananampalataya na sa loob ng maraming siglo ay mga tagapag-ingat at tagapag-taguyod ng katotohanan ng Diyos para sa sanlibutan—at sa mga bayang iyon pagpapalain ang lahat ng mga bansa sa mundo sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas. Ngunit Siya na tumawag sa patriyarka ay hinatulan siyang karapat-dapat. Ang Diyos ang nagsasalita. Siya na nakakaunawa ng mga bagay-bagay sa hinaharap, at naglalagay ng tamang pagkilala sa mga tao, ay nagsabi, "siya'y aking kinilala." Sa panig ni Abraham ay hindi magkakaroon ng pagkakanulo sa katotohanan para sa makasariling layunin. Iingatan niya ang kautusan at makikitungo nang makatarungan at matuwid. At hindi lamang siya matatakot sa Panginoon mismo, kundi iingatan din ang relihiyon sa kanyang tahanan. Tuturuan ang kanyang pamilya sa katuwiran. Ang kautusan ng Diyos ang magiging tuntunin sa kanyang sambahayan. PP 140.3

“Ang sambahayan ni Abraham ay binubuo ng higit sa isang libong kaluluwa. Yaong mga naakay ng kanyang mga turo tungo sa pagsamba sa iisang Diyos, ay nakatagpo ng tahanan sa kanyang kampo; at dito, tulad sa isang paaralan, ay nakatanggap sila ng ganoong pagtuturo na maghahanda sa kanila na maging mga kinatawan ng tunay na pananampalataya. Kaya isang malaking responsibilidad ang nakaatang sa kanya. Siya ay nagsasanay sa mga pinuno ng mga pamilya, at ang kanyang mga pamamaraan ng pamamahala ay isasagawa sa mga sambahayan na kanilang pamunuan.” PP 141.1

Martes, Oktubre 24

Ang Espiritu ng Pananalangin ni Abraham


Basahin ang Genesis 18:23-32 at Santiago 5:16. Ano ang dapat ituro sa atin nito patungkol sa kapangyarihan ng pananalangin para sa iba?

“Na may malalim na pagpipitagan at pagpapakumbaba ay nagsumamo siya: “Narito, ngayo'y nangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang:.” Walang pagtitiwala sa sarili, walang pagmamalaki sa sariling katuwiran. Hindi siya umangkin ng pabor dahil sa kanyang pagsunod, o para sa mga sakripisyong ginawa niya sa pagganap sa kalooban ng Diyos. Siya bilang isang makasalanan ay nagsumamo alang-alang sa mga makasalanan. Ang gayong espiritu ang dapat taglayin ng lahat ng lumalapit sa Diyos. Ngunit ipinakita ni Abraham ang pagtitiwala ng isang anak na nagsusumamo sa isang mahal na ama. Lumapit siya sa makalangit na Mensahero, at taimtim na hinimok ang kanyang pakiusap. Bagaman si Lot ay naninirahan sa Sodoma, hindi siya nakibahagi sa kasamaan ng mga naninirahan doon. Naisip ni Abraham na sa mataong lunsod na iyon ay tiyak na may iba pang mananamba sa tunay na Diyos. At dahil dito ay nakiusap siya, “Malayo nawa sa iyo ang paggawa ng ganito, na ang banal ay iyong pataying kasama ng masama: ... malayo nawa ito sa iyo: di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong lupa? ” Si Abraham ay nagsumamo hindi lamang isang beses, ngunit maraming beses. Lalong tumatapang habang pinapayagan ang kanyang mga kahilingan, nagpatuloy siya hanggang sa makamit niya ang katiyakan na kung may masumpungang kahit na sampung matuwid na tao, ang lungsod ngang iyon ay maliligtas. PP 139.3

“Ang pag-ibig sa mga mamamatay na kaluluwang ito ang nagbigay inspirasyon sa panalangin ni Abraham. Samantalang kinasusuklaman niya ang mga kasalanan ng tiwaling lungsod na iyon, ninanais niya na ang mga makasalanan ay maligtas. Ang kanyang malalim na interes para sa Sodoma ay nagpapakita ng pagkabagabag na dapat nating madama para sa mga hindi nagsisisi. Dapat nating pahalagahan ang pagkapoot sa kasalanan, ngunit dapat magkaroon ng awa at pagmamahal sa makasalanan. Sa buong paligid natin ay mga kaluluwang napupunta sa kapahamakan na walang pag-asa, na kakila-kilabot, gaya ng nangyari sa Sodoma. Araw-araw ay may nagwawakas na probasyon sa ilan. Bawat oras ay may ilan na hindi na maabot ng awa. At nasaan ang mga tinig ng babala at pagsusumamo na maguutos sa makasalanan na tumakas mula sa nakakatakot na kapahamakan na ito? Nasaan ang mga kamay na iuunat upang ibalik siya mula sa kamatayan? Nasaan ang mga may pagpapakumbaba at matiyagang pananampalataya na magsusumamo sa Diyos para sa kanya? PP 140.1

“Ang espiritu ni Abraham ay ang espiritu ni Cristo. Ang Anak ng Diyos mismo ang dakilang Tagapamagitan para sa makasalanan. Siya na nagbayad ng halaga para sa kaligtasan ay nakaaalam ng halaga ng kaluluwa ng tao. Sa isang antagonismo sa kasamaan na maaaring umiral lamang sa isang likas ng kadalisayan na walang bahid, ipinakita ni Cristo sa makasalanan ang isang pag-ibig na walang hanggang kabutihan lamang ang makauunawa. Sa mga paghihirap sa krus, Siya mismo na nagbata ng kakila-kilabot na bigat ng mga kasalanan ng buong mundo, ay nanalangin para sa mga nanlalait at Kanyang mga mamamatay-tao, “Ama, patawarin mo sila; sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Lucas 23:34 .” PP 140.2

Miyerkules, Oktubre 25

Ang Misyon ni Abraham


Basahin ang Genesis 19:1-29. Ano ang resulta ng espiritu ng pagpapatuloy, pagmamahal, at pananalangin ni Abraham?

“Nang nagtatakip silim, ang dalawang estranghero ay nagsidating sa pintuang-daan ng lungsod. Sila ay tila mga manlalakbay na dumating upang mamahinga sa buong magdamag. Walang magaakala na ang mga hamak na manlalakbay na iyon ay mga makapangyarihang tagapagbalita ng banal na paghatol, at ni hindi naisip ng mga kalalakihang iyon gayon din ng mga karamihan na walang ingat na nakitungo sa mga mensahero ng langit na sa mismong gabing iyon ay naabot na nila ang rurok ng pagkakasala na nagpahamak sa kanilang mapagmataas na lungsod. Ngunit may isang lalaki na nagpakita ng magiliw na atensyon sa mga estranghero at inanyayahan sila sa kanyang tahanan. Hindi alam ni Lot ang kanilang tunay na pagkatao, ngunit ang kaniyang nakaugalian na pagiging magalang at mabuting pakikitungo ay bahagi ng kanyang relihiyon—mga aral na natutuhan niya mula sa halimbawa ni Abraham. Kung hindi niya naingatan ang espiritu ng kagandahang-loob na ito, maaaring siya ay maiwang mamamatay kasama ng iba pa sa Sodoma. Maraming sambahayan, sa kanilang pagsasara ng mga pinto sa isang dayuhan, ay nakatanggi sa sugo ng Diyos, na maghahatid sana ng pagpapala at pag-asa at kapayapaan. ” PP 158.1

“Inihayag ng mga anghel kay Lot ang layunin ng kanilang misyon: “Sapagka't aming lilipulin ang dakong ito dahil sa napakalakas ang kanilang sigaw sa harap ng Panginoon; at kami ay sinugo ng Panginoon upang aming lipulin.” Ang mga estranghero na pinagsikapang protektahan ni Lot, ngayon ay nangako na poprotektahan siya, at ililigtas din ang lahat ng miyembro ng kanyang pamilya na tatakas na kasama niya mula sa masamang lungsod na iyon. Ang mga mandurumog ay napagod at umalis, at si Lot ay lumabas upang bigyang babala ang kanyang mga anak. Inulit niya ang mga salita ng mga anghel, “Magtindig kayo, magsialis kayo sa dakong ito; sapagka't gugunawin ng Panginoon ang bayan.” Datapuwa't ang akala nila ay nagbibiro siya. Pinagtawanan nila ang tinatawag nilang mga mapamahiing takot niya. Ang kanyang mga anak na babae ay naimpluwensyahan ng kanilang mga asawa. Kontento sila sa kinalalagyan nila. Wala silang makitang katibayan ng panganib. Ang lahat ay tila tulad ng dati. Marami silang pag-aari, at hindi sila makapaniwala na posibleng mawasak ang magandang Sodoma.” PP 159.3

“Ang araw ay nakalitaw na sa lupa nang dumating si Lot sa Zoar”. Ang maliwanag na sinag ng umaga ay tila nagsasalita lamang ng kaunlaran at kapayapaan sa mga lungsod ng kapatagan. Nagsimula ang aktibong pamumuhay sa mga lansangan; ang mga tao ay nagpatuloy sa kanilang mga ginagawa, sa negosyo man o sa mga kasiyahan ng araw. Ang mga manugang ni Lot ay natatawa sa mga pangamba at babala na ibinigay ng mahinang matanda. Biglaan at hindi inaasahan gaya ng isang kulog mula sa hindi maulap na kalangitan, ang unos ay bumagsak. Nang magkagayo'y nagpaulan ang Panginoon sa Sodoma at Gomorra ng azufre at apoy mula sa Panginoon na buhat sa langit; sa bayang yaon, at sa buong Kapatagan; sa mga palasyo at templo nito, mga mamahaling tirahan, mga hardin at mga ubasan, at sa mga ‘gay’, at mapaghanap ng kasiyahang mga tao na noong nakaraang gabi lamang ay nang-insulto sa mga mensahero ng langit—lahat ay natupok. Ang usok na umahon ay parang usok ng isang malaking hurno. At ang magandang libis ng Siddim ay naging isang tiwangwang, isang lugar na hindi kailanman itatayo o titirhan—isang saksi sa lahat ng henerasyon ng katiyakan ng mga paghatol ng Diyos sa mga lumalabag. PP 162.2

“ Ang apoy na tumupok sa mga lungsod ng kapatagan ay nagbibigay ng babala hanggang sa ating panahon. Itinuturo sa atin ang nakakatakot at solemneng aral na bagama’t ang awa ng Diyos ay nagtitiis para sa mga makasalanan, ito ay may hangganan na hindi maaaring magpatuloy ang tao sa kasalanan. Kapag naabot na ang limitasyong iyon, ang mga alok ng awa ay aalisin, at ang ministeryo ng paghatol ay magsisimula.” PP 162.3

Huwebes, Oktubre 26

Pagpapasakop sa Kalooban ng Diyos


Basahin ang Genesis 12:1-9. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito patungkol sa pagpapasakop sa kalooban ng Diyos, kahit na tila hindi malinaw ang tatahaking landas?

Kapag ang pamamaraan na ginawa ni Abraham ay sinunod, kung gayon, tanging sa ganoon lamang, ang sinuman sa atin ay maaaring ariing-ganap, at wala ng ibang paraan. “At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako..” (Gal. 3:29.) “ Kung kayo'y mga anak ni Abraham, ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.” (Juan 8:39.) Pansinin natin ang pananampalataya, karanasan at katwiran ni Abraham. “Kayo'y magsipakinig sa akin, kayong nagsisisunod sa katuwiran, kayong nagsisihanap sa Panginoon: magsitingin kayo sa malaking bato na inyong kinaputulan, at sa luwang ng hukay na kinahukayan sa inyo. Tingnan ninyo si Abraham na inyong ama.” (Isa. 51:1,2.)

Sa mga sumusunod ay mapapansin na tumalima si Abraham ng walang pag-aalinlangan sa lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos na gawin: “Sinabi nga ng Panginoon kay Abram, Umalis ka sa iyong lupain, at sa iyong mga kamaganak, at sa bahay ng iyong ama, na ikaw ay pasa lupaing ituturo ko sa iyo:.… Kaya't yumaon si Abram, ayon sa sinalita sa kaniya ng Panginoon.… At napakita ang Panginoon kay Abram, at nagsabi, Sa iyong lahi ay ibibigay ko ang lupaing ito: at siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon na napakita sa kaniya.” (Gen. 12:1, 4, 7.) “At sinabi ng Panginoon kay Abram, pagkatapos na makahiwalay si Lot sa kaniya, Itingin mo ngayon ang iyong mga mata, at tumanaw ka mula sa dakong iyong kinalalagyan, sa dakong hilagaan, at sa dakong timugan, at sa dakong silanganan, at sa dakong kalunuran:

Sapagka't ang buong lupaing iyong natatanaw ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi magpakaylan man. At gagawin kong parang alabok ng lupa ang iyong binhi: na ano pa't kung mabibilang ng sinoman ang alabok ng lupa ay mabibilang nga rin ang iyong binhi. Magtindig ka, lakarin mo ang lupain, ang hinabahaba at niluwang-luwang niyan; sapagka't ibibigay ko sa iyo. At binuhat ni Abram ang kaniyang tolda, at yumaon at tumahan sa mga punong encina ni Mamre na nasa Hebron, at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon.” (Gen. 13:14-18.)

“At si Abraham ay sumampalataya sa Dios, at yao'y ibinilang na katuwiran sa kaniya; at siya'y tinawag na kaibigan ng Dios.” (Santiago 2:23.) Sa pamamagitan ng simpleng paggawa ng mga bagay na hiniling ng Diyos sa kanya ay nakamit niya ang talaang ito: “Sapagka't sinunod ni Abraham ang aking tinig, at ginanap ang aking bilin, ang aking mga utos, ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kautusan.” “pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa;.” (Gen. 26:5, 4.) Ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Salita na gaya ng sa isang bata, at paggawa ng lahat ng sinabi ng Diyos, ay ang tanging pagpapakabanal at katuwiran na kay Cristo. Ganoon nga ang mga anak ni Abraham, at sumasakanila ang pangako. Hayagan nilang ipinahahayag na ang dugo ni Cristo ay may kapangyarihang iligtas sila mula sa pagkaalipin sa kasalanan, at mula sa paghatol ng kautusan. Mamanahin nila ang lupain magpakailanman. Ito ang Israel ng Diyos. Walang iba pa, at ito lamang ang katuwiran at pagpapakabanal sa pamamagitan ng pananampalataya. 

Biyernes, Oktubre 27

Karagdagang Kaisipan

 Sa pamamagitan ng inspiradong patotoo nalaman natin na kapwa sumagana sina Abraham at Lot at kinailangan nilang maghiwalay at sakupin ang magkahiwalay na bahagi ng lupain. Iminungkahi ni Abraham na piliin muna ni Lot ang lupaing gusto niya, at kukunin ni Abraham ang natitira. Pinili ni Lot ang lahat ng kapatagan at iniwan ang mga burol para kay Abraham. Marahil kung mula sa pananaw pang negosyo ay mabuti ang pinili ni Lot, ngunit sa pananaw ng Diyos ito ay kadukhaan. Sa kanyang pagpili ay nabigo si Lot na makita o isaalang-alang ang katotohanan na siya ay lubos na pinagpala sa pamamagitan ng kanyang pakikipagtulungan sa kanyang tiyuhin na si Abraham. Inisip niya lamang ang kanyang personal at makasariling seguridad sa hinaharap. Si Abraham, gayunpaman, ay hindi nagbigay ng pagtutol sa ginawang pagpili ni Lot. Masaya niyang kinuha ang mga burol.

Sa paglipas ng panahon, pumunta si Lot sa lungsod kung saan siya ay naging mahirap at dukha. Sa wakas ay kinailangan siyang iligtas ng anghel ng Panginoon, at lumabas siya ng walang pagaari . Sa kapansin-pansing kaibahan sa mapangwasak na karanasan ni Lot, si Abraham ay patuloy na yumaman at yumaman at sa wakas ay binigay sa kaniya ng Diyos ang lahat ng lupain. Ano ang sikreto ng tagumpay ni Abraham? -- Ang Diyos Mismo ang nagpalago kay Abraham nang makita niyang tapat si Abraham sa lahat ng bagay. Kapag tayo ay tapat sa lahat ng bagay, lalo din Niya tayong pagpapalain.