“Bukod dito ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat ng nangagniningas na suligi ng masama. At magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan, at ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios::” KJV — Efeso 6:16, 17
“ Sa ngayon ang simbahan ay nasa militante pang kalagayan. Ngayon ay nahaharap tayo sa isang mundo na nasa kadiliman sa hatinggabi na halos lubusan ng inaagos sa idolatriya. Ngunit darating ang araw kung saan ang labanan ay magtatapos at ang tagumpay ay makakamtan. Ang kalooban ng Diyos ay magaganap sa lupain, gaya ng sa langit. Kung gayon ang mga bansa ay hindi magkakaroon ng ibang kautusan bukod sa kautusan sa langit. Ang lahat ay magiging isang masaya at nagkakaisang pamilya na nararamtan ng mga damit ng papuri at pasasalamat—ang damit ng katuwiran ni Cristo. Ang lahat ng kalikasan, sa napakasidhing kagandahan nito, ay mag-aalay sa Diyos ng patuloy na pagpupugay ng papuri at pagsamba. Ang mundo ay mababalutan sa liwanag ng langit. Ang mga taon ay lilipas sa kagalakan. Ang liwanag ng buwan ay magiging gaya ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magiging pitong ulit na mas maliwanag kaysa sa ngayon. Sa mga tanawing ito ang mga bituin sa umaga ay magkakasamang aawit, at ang mga anak ng Diyos ay sisigaw sa kagalakan, habang ang Diyos at si Cristo ay magkakaisa sa pagpapahayag na: “Wala nang kasalanan, at hindi na magkakaroon ng kamatayan.” 8T 42.1
“Ito ang kaganapang ipinakita sa akin. Ngunit ang iglesia ay dapat na lumaban sa mga kaaway na nakikita at hindi nakikita. Ang mga ahensya ni Satanas sa anyo ng tao ay nasa lupain. Ang mga tao ay nakipagalyansa upang salungatin ang Panginoon ng mga hukbo. Ang mga pagaalyansang ito ay magpapatuloy hanggang sa lisanin ni Cristo ang Kanyang pagiging tagapamagitan sa harap ng luklukan ng awa at magsuot ng mga damit ng paghihiganti. Ang mga ahensiya ni Satanas ay nasa bawat lungsod, na abala sa pag-oorganisa sa mga partido ng mga sumasalungat sa batas ng Diyos. Ang mga nag-aangking mga banal at yaong mga hindi mananampalataya ay naninindigan kung saan sila sa mga partidong ito. Hindi ito ang panahon para sa bayan ng Diyos na maging mahina. Hindi maaari na tayo ay mawaglit kahit isang sandali.” 8T 42.2
Basahin ang Efeso 6:10-20. Ano ang sinasabi ni Pablo tungkol sa uri ng pakikidigma na kinasasangkutan ng iglesya? Pangunahing inilalarawan ba ni Pablo ang indibidwal na pakikipaglabang espirituwal ng isang mananampalataya laban sa kasamaan o ang pangkalahatang pakikidigma ng iglesya laban sa kasamaan?
Joel 2:1-3 – “Hipan ninyo ang pakakak sa Sion, at mangagpatunog kayo ng hudyat sa aking banal na bundok; manginig ang lahat na mananahan sa lupain: sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay dumarating, sapagka't malapit na; Araw ng kadiliman at ng pagkukulimlim, araw ng mga ulap at ng pagsasalimuot ng dilim, gaya ng liwayway na namumukadkad sa mga bundok; isang malaking bayan at matibay; hindi nagkaroon kailan man ng gaya niyaon, ni magkakaroon pa man pagkatapos ng mga yaon, hanggang sa mga taon ng maraming sali't saling lahi. Isang apoy ang sumusupok sa harap nila; at sa likuran nila'y isang liyab ang sumusunog: ang lupain ay parang halamanan sa Eden sa harap nila, at sa likuran nila'y isang sirang ilang; oo, at walang nakatanan sa kanila.”
Makikita dito na mayroong isang mensahe na ipahahayag sa iglesya, sa Sion, na nagpapahayag na ang dakila at kakila-kilabot na kaarawan ng Panginoon ay malapit na; na ito ay magiging mapangwasak sa likuran ng Kanyang bayan at maluwalhati sa unahan nila, – na ang Panginoon ay lubusang susuyurin ang mga bukid, na Kanyang titipunin ang bawat butil ng “trigo,” at pagkatapos ay susunugin ang mga pangsirang damo.
Talata 4-6 – “Ang anyo nila ay parang anyo ng mga kabayo; at kung paano ang mga mangangabayo, gayon sila nagsisitakbo. Parang ingay ng mga karo sa mga taluktok ng mga bundok nagsisilukso sila, parang hugong ng liyab ng apoy na sumusupok sa dayami, parang isang matibay na bayan na humahanay sa pagbabaka. Sa kanilang harapan ay nangahihirapan ang mga bayan; lahat ng mukha ay nangamumutla.”
Mababasa na ang kapangyarihang gumabay sa sinaunang Israel habang sinasakop nila ang Lupang Pangako ay gagabay rin sa mga lingkod ng Diyos sa panahong ito ng pagtitipon.
Talata 7, 8 – “Sila'y nagsisitakbong parang mga malakas na lalake; sila'y nagsisipagalambitin sa kuta na parang mga lalaking mangdidigma; at sila'y nagsisilakad bawa't isa ng kanikaniyang mga lakad, at hindi nila binabago ang kanilang mga hanay. Ni nagtutulakan mang isa'y isa; sila'y lumalakad bawa't isa sa kanikaniyang landas; at sila'y magsisisagupa sa mga almas, at hindi sila malalansag.”
Walang makakapigil sa bayan ng Diyos. Ang bawat tao'y tutugon sa Kanyang layunin. Kanilang titipunin ang mga bunga ng lupain at walang makakapanakit sa kanila. Ang Spirit of Prophecy ay nagpapatotoo: “Nang lumisan ang mga banal sa mga lungsod at nayon, sila ay tinugis ng masasama na naghangad na patayin sila. Ngunit ang mga tabak na itinaas upang patayin ang bayan ng Diyos ay nabali at bumagsak na walang kapangyarihan tulad ng dayami” – Early Writings, pp. 284-28.
Talata 9 – “Kanilang nilulukso ang bayan; kanilang tinatakbo ang kuta; kanilang pinagaalambitinan ang mga bahay; sila'y nagsisipasok sa mga dungawan na parang magnanakaw.”
Tiyak na titipunin ng mga “lingkod ng Diyos” ang lahat ng kanilang mga kapatid mula sa lahat ng bansa (Isa. 66:20). Tunay nga, sapagkat ang paa ng Ebanghelyo ay ang mga paa ng mga taong nagpapahayag nito. Mangyayari na sa pamamagitan lamang ng perpektong koordinasyon at isang matibay na hukbo maaaring matapos ang gawain ng ebanghelyo kapag idineklara ng hayop na may dalawang sungay na “maipapatay naman ang lahat ng hindi sumasamba sa larawan ng hayop.” Apoc. 13:15.
Talata 10, 11 – “Ang lupa ay nayayanig sa harap nila; ang langit ay nanginginig; ang araw at ang buwan ay nagdidilim at itinitigil ng mga bituin ang kanilang kislap: At pinatutunog ng Panginoon ang kaniyang tinig sa harap ng kaniyang hukbo; sapagka't ang kaniyang kampamento ay totoong malaki; sapagka't malakas na nagsasagawa ng kaniyang salita; sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay dakila at totoong kakilakilabot; at sinong makatatahan?”
Sa paghahayag kung gaano kadakila at kakila-kilabot ang darating na kaarawan, ang Panginoon ay nagsusumamo:
Talata 12-14 – “Gayon ma'y ngayon, sabi ng Panginoon, magsipanumbalik kayo sa akin ng inyong buong puso, na may pagaayuno, at may pananangis, at may pananambitan: At papagdalamhatiin ninyo ang inyong puso, at hindi ang mga damit ang inyong hapakin, at kayo'y magsipanumbalik sa Panginoon ninyong Dios; sapagka't siya'y maawain at puspos ng kahabagan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob, at nagsisisi siya sa kasamaan. Sinong nakakaalam kung siya'y hindi magbabalik-loob, at magsisisi, at magiiwan ng isang pagpapala sa likuran niya, ng handog na harina, at ng inuming handog sa Panginoon ninyong Dios?”
Ang samo ng Diyos ay maghanda tayo sa pagsalubong sa kaarawan; na bilang mga taimtim na Kristiyano na nakakaunawa na sa oras na ito ay dumating sa atin ang mensaheng ito ng awa, tayo nga ay magsibalik sa Kanya.
Paano iniisip ni Pablo ang pagsisimula ng paghahanda ng mga mananampalataya para sa pakikipagbaka laban sa kasamaan? Eph. 4:14
Dan. 2:44 – “At sa mga kaarawan ng mga haring yaon ay maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man, o ang kapangyarihan man niyao'y iiwan sa ibang bayan; kundi pagpuputolputulin at lilipulin niya ang lahat na kahariang ito, at yao'y lalagi magpakailan man.”
Nauunawaan ng karamihan sa mga mag-aaral ng Bibliya na ang malaking larawang ito ng Daniel 2 ay kumakatawan sa mga kaharian mula sa panahon ni Daniel hanggang sa katapusan. Dito makikita na ang bato na natibag hindi ng mga kamay ay tumama sa larawan sa kaniyang mga paa, at pinuno ang buong lupa. “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon,” na tumutukoy sa ating panahon, sangayon sa Inspirasyon, ay maglalagay ang Dios sa langit [God of Heaven] ng isang kaharian na kinakatawan ng bato, at lilipol sa mga bansa at magdadala sa kanilang wakas. Ano nga ba ang araw na iyon na dakila para sa bayan ng Diyos, at kakila-kilabot naman para sa mga bansa? Tunay nga na ito ang magiging dakila at kakila-kilabot na kaarawan ng Panginoon.
Talata 45 – “Yamang iyong nakita na ang isang bato ay natibag sa bundok, hindi ng mga kamay, at pumutol ng mga bakal, ng tanso, ng putik, ng pilak, at ng ginto; ipinaalam ng dakilang Dios sa hari kung ano ang mangyayari sa haharapin: at ang panaginip ay tunay at ang pagkapaaninaw niyao'y tapat.”
Ang ulat ni Daniel tungkol sa araw ay napakaikli, ngunit inilarawan ito ni Jeremias nang detalyado:
Jer. 51:21-23 – “At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang kabayo at ang kaniyang sakay; At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang karo at ang nakasakay roon; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang lalake at ang babae; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang matanda at ang bata: at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang binata at ang dalaga; At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang pastor at ang kaniyang kawan; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang mangbubukid at ang kaniyang tuwang na mga baka; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang mga tagapamahala at ang mga kinatawan.”
Dito ipinaliliwanag ng Inspirasyon na ang Diyos kasama ang Kanyang Kaharian ay wawasakin ang mga bansa, na ang Kanyang bayan ay Kanyang magiging pangbakang palakol. Parehong tiniyak nila Daniel at Jeremiah na ang Kaharian ay magdadala ng wakas sa lahat ng mga kaharian sa mundo.
Mikas 5:7 – “At ang nalabi sa Jacob ay magiging parang hamog na mula sa Panginoon sa gitna ng maraming bayan, parang ulan sa damo, na hindi naghihintay sa tao, ni naghihintay man sa mga anak ng tao.”
Ang nalabi ni Jacob (yaong mga naiwan pagkatapos alisin ang mga pangsirang damo), kapag naitatag bilang isang kaharian, ay magiging gaya ng mga ulan ng pagpapala sa mga naghahanap ng kaligtasan, at gaya ng isang leon na dumudurog sa mga nagpapatuloy sa kanilang kasalanan. Ang araw ay magiging dakila sa isang bayan, at kakila-kilabot sa iba.
Repasuhin ang walong beses na binanggit ni Pablo ang kapayapaan sa Efeso. Bakit siya gumagamit ng isang detalyadong talinhaga ng militar kung siya ay interesado sa kapayapaan?
Ang Tinig ng Espiritu sa pamamagitan ni Isaias ay sumisigaw na rin ng malakas: “Gumising ka, gumising ka, magsuot ka ng iyong kalakasan, Oh Sion; magsuot ka ng iyong mga magandang damit, Oh Jerusalem, na bayang banal: sapagka't mula ngayo'y hindi na papasok pa sa iyo ang hindi tuli at ang marumi... Anong pagkaganda sa mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mga mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nangagdadala ng mga mabuting balita sa ikabubuti, na nagtatanyag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion, Ang iyong Dios ay naghahari!” Isa. 52:1, 7.
Ang kaparehong Tinig sa pamamagitan ni Nahum ay nagsusumamo din: “Narito, nasa ibabaw ng mga bundok ang mga paa niyang nangagdadala ng mga mabuting balita, na nangaghahayag ng kapayapaan! Ipagdiwang mo ang iyong mga kapistahan, Oh Juda, tuparin mo ang iyong mga panata; sapagka't ang masama ay hindi na dadaan pa sa iyo; siya'y lubos na nahiwalay.” Nah. 1:15.
Ngunit sa buong kasaysayan, hindi kailanman tumanggap ng mensahe mula sa langit ang iglesya sa kabuuan nito. Samakatuwid, ang panawagan ay dumating sa bawat indibidwal na miyembro. Ang bawat isa ay dapat magpasya para sa kanyang sarili. Walang sinuman ang dapat hayaan ang sarili na maimpluwensyahan ng iba. At "walang sinuman ang may karapatang isara ang liwanag mula sa bayan. Kapag ang isang mensahe ay dumating sa pangalan ng Panginoon para sa Kanyang bayan, walang sinuman ang maaaring mag-excuse sa kanyang sarili mula sa pagsisiyasat sa mga inaangkin nito....Dahil mismo sa ganitong mga gawa kaya ang mga popular na iglesya ay naiwan sa bahagyang kadiliman, at iyan ang dahilan kung bakit ang mga mensahe ng langit ay hindi nakarating sa kanila."-- Testimonies on Sabbath-School Work, p. 65; Counsels on Sabbath School Work, p. 28.
Ano pa ngang mas magagandang balita kaysa sa mga ito ang nanaisin ng isang bayang nasa kanilang pagkabihag? Kung ang mensaheng ito, ang Kaharian ng Diyos (ang dinalisay na iglesya), ay hindi mensahe ng kapayapaan at katiwasayan, sabihin nga sa amin kung ano ang ibig sabihin ng Inspirasyon sa pagsasabing “ang lobo ay tatahang kasama ng kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing; at ang guya, at ang batang.”“At ang mamamayan ay hindi magsasabi, Ako'y may sakit: ang bayan na tumatahan doon ay patatawarin sa kanilang kasamaan.” Isa. 11:6; 33:24.
Dito ay malinaw na ipinahahayag ang makahulang Salita ng Diyos kapuwa nina propeta Isaias at Nahum na kapag nakita natin ang mabubuting balitang ito na inilathala niya na ang mga paa ay nakita sa mga bundok (at ito ay nagaganap ngayon sa unang pagkakataon mula nang isulat ng mga propeta), ito ay isang palatandaan na ang masasama, ang lumalabag sa mga batas ni Moises, ay malapit nang mahiwalay mula sa bayan ng Diyos.
“Tulungan nawa tayo ng Diyos na mangagbihis ng buong kagayakan at kumilos na masigasig, na itinuturing ang mga kaluluwa ng kalalakihan at kababaihan na karapat-dapat na iligtas. Humanap tayo ng bagong pagbabagong loob. Kailangan natin ang presensya ng Banal na Espiritu ng Diyos na kasama natin, upang ang ating mga puso ay lumambot at hindi tayo magdala ng malupit na espiritu sa gawain. Dalangin ko na ang Banal na Espiritu ay ganap na angkinin ang ating mga puso. Kumilos tayo bilang mga anak ng Diyos na umaasa sa Kanya para sa payo, na handang gawin ang Kanyang mga plano saanman kinakailangan. Ang Diyos ay maluluwalhati ng gayong mga tao, at yaong mga makakasaksi sa ating kasigasigan ay magsasabing: Amen at amen.” 9T 107.2
“Kapag ang mga nag-aangking Kristiyano ay nagkakaisa bilang isa,—kaisa ni Cristo sa Diyos,—sila ay mga kinatawan ng iglesya ng Panganay. Ang pagkakaisa ay dapat na maging elemento ng pangangalaga sa simbahang Kristiyano. Ang mga lalaki at babae ay nagkakaisa sa iglesya sa pamamagitan ng isang pinakataimtim na tipan sa Diyos na sundin ang kanyang Salita, at magkaisa sa pagsisikap na palakasin ang pananampalataya ng isa't isa." RH Enero 6, 1903, par. 5
Kailan at paano dapat gamitin ng mga mananampalataya bilang mga mandirigma sa malaking tunggalian ang kalasag, helmet, at tabak? Eph. 6:16, 17
“Ang tunggalian sa pagitan ng mabuti at masama ay hindi naging mas mahina kumpara noong mga araw ng Tagapagligtas . Ang landas patungo sa langit ay hindi naging mas madali ngayon kaysa noon. Lahat ng ating mga kasalanan ay dapat alisin. Bawat pagpapalayaw na humahadlang sa ating relihiyosong pamumuhay ay dapat putulin. Ang kanang mata o kanang kamay ay dapat isakripisyo, kung ito ay nagiging sanhi ng ating pagkakasala. Handa ba tayong talikuran ang ating sariling karunungan, at tanggapin ang kaharian ng langit tulad ng isang maliit na bata? Handa ba tayong humiwalay sa ating pansariling mga katuwiran? Handa ba tayong isakripisyo ang pagsang-ayon ng mga tao? Ang premyo ng buhay na walang hanggan ay walang katumbas. Handa ba tayong tanggapin ang tulong ng Banal na Espiritu, at makipagtulungan dito, nagsusumikap at nagsasakripisyo na naaayon sa halaga ng bagay na makakamtan? RH August 25, 1896, par. 12
“ Ang pangaral ng Espiritu ng Diyos ay may kakaibang puwersa sa panahong ito: “Sa katapustapusa'y magpakalakas kayo sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan. Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo. Sapagka't ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan. Dahil dito magsikuha kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y mangakatagal sa araw na masama, at kung magawa ang lahat, ay magsitibay. Magsitibay nga kayo, na ang inyong mga baywang ay may bigkis na katotohanan, na may sakbat na baluti ng katuwiran, At ang inyong mga paa ay may panyapak na paghahanda ng evangelio ng kapayapaan; Bukod dito ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat ng nangagniningas na suligi ng masama. At magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan, at ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios:” RH Agosto 25, 1896, par. 13
“Ang pagkamakasarili at kawalan ng pananampalataya ay sumisira sa maraming buhay. Ang iglesya ay napapahina dahil sa kawalan ng kakayahan ng mga dapat magsuot ng pamatok ni Cristo at magbata ng kanyang mga pasanin. Si Cristo ay nangangailangan ng mga taong may tunay na karanasan. Maaari bang magkaroon siya ng mga tauhan sa kanyang hukbo na mayroong kani-kaniyang ilang espirituwal na depekto, mga kawal na mapaghanap ng madadaling bagay, at baka masaktan ng magaspang na daanan ang kanilang mga paa? Tayo ay nasa isang labanan na nangangailangan ng ating paglilingkod. Kapag narinig ang tunog ng pakakak, “Sulong!” huwag huminto upang ingatan ang iyong maliliit na kahinaan. Kalimutan na mayroon ka ng mga ito, at magpatuloy. Nasaan ang mga aktibong sundalo, na nakabihis ng baluti ng Diyos, na handang sumabak sa agresibong pakikipaglaban? Nasaan ang mga kawal na handang itaas ang pamantayan, at dalhin ito sa labanan, sa ilalim ng utos ng Kapitan tungo sa tagumpay? RH Agosto 21, 1900, par. 8
“Kailangang makisangkot sa mga maaalab na pakikipag-ugnayan; sapagkat darating na ang Panginoon. Malayo sa mga katamaran na humahadlang sa marami mula sa gawain. Ilabas ang iyong mga natatagong talento. Ikaw ay nasa ilalim ng obligasyon na maging aktibong mga masigasig na manggagawa. “Kung ang sinomang tao'y ibig sumunod sa akin,” sabi ni Cristo, “ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.” Huwag tanggihan na makita ang iyong mga responsibilidad. Magkaisa sa masigasig na gawain para sa Diyos. Humayo ka sa paggawa kasama ng iyong mga paninindigan.” RH Agosto 21, 1900, par. 9
“ Mayroong matinding pag-ibig sa kalayawan sa panahong ito, isang nakakatakot na pagtaas ng kahalayan, isang paghamak sa lahat ng awtoridad. Hindi lamang mga makamundo, kundi pati ang mga nag-aangking Kristiyano rin ay pinamamahalaan ng hilig sa halip na tungkulin. Ang mga salita ni Cristo ay tumutunog sa buong kapanahunan, “Magbantay at manalangin.” RH Disyembre 20, 1881, par. 10
“Naparito si Cristo sa ating mundo upang makibahagi sa isang pakikipaglaban sa kaaway ng tao, at sa gayon ay agawin ang lahi mula sa pagkakahawak ni Satanas. Sa pagsasakatuparan ng layuning ito, hindi niya ipinagkait maging ang kanyang sariling buhay. At ngayon, sa lakas na ibibigay ni Cristo, ang tao ay dapat manindigan para sa kanyang sarili, isang tapat na bantay laban sa tusong kaaway. Sabi ng dakilang apostol, “Mangagingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad,”—bantayan ang bawat daan ng kaluluwa, tumingin palagian kay Jesus, ang totoo at sakdal na huwaran, at sikaping tularan ang kanyang mga halimbawa, hindi sa isa o dalawang punto lamang kundi sa lahat ng bagay. Kung magkagayon ay magiging handa tayo sa lahat ng oras. Ang walang humpay na pagbabantay ay malaking tulong sa panalangin. Pinipigilan nito ang pag-iisip na maanod mula sa tamang mga prinsipyo. Isinasara nito ang mga walang kabuluhang mga bagay na namamayani sa mundo saanman, at sa isang nakababahalang lawak maging sa mga nag-aangking Kristiyano. Siya na ang isip ay palaging nananahan sa Diyos ay may matibay na depensa. Mabilis niyang makikilala ang mga panganib na nagbabanta sa kanyang espirituwal na buhay, at ang pakiramdam ng panganib ay aakay sa kanya upang tumawag sa Diyos para sa tulong at proteksyon. RH October 11, 1881, par. 2
“May mga pagkakataon na ang buhay Kristiyano ay tila nababalot ng mga panganib, at ang tungkulin ay tila mahirap gampanan. Ngunit ang mga ulap na nagkukumpulan sa ating daan at ang mga panganib na nakapaligid sa atin ay hindi kailanman mawawala sa isang nag-aalinlangan at walang panalangin na espiritu. Sa gayong mga pagkakataon ang kawalan ng pananampalataya ay nagsasabi, Hinding-hindi natin malalampasan ang mga hadlang na ito; maghintay tayo hanggang sa makita natin ng malinaw ang ating daan. Ngunit ang pananampalataya ay buong tapang na humihimok sa ating pagsulong, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan. RH October 11, 1881, par. 3
“Ang pagbabantay at pagpupuyat ay kinakailangan ngayon higit kailanman sa buong sa kasaysayan ng takbuhan. Dapat ipikit ang mga mata sa anumang bagay na walang kabuluhan. Ang katampalasanan at ang nangingibabaw na diwa ng kapanahunan ay dapat harapin ng may tiyak na pagsaway. Huwag hayaang isipin ng sinuman na wala silang panganib. Habang nabubuhay si Satanas, ang kanyang mga pagsisikap ay mananatili at walang kapaguran niyang gagawin ang sanlibutan na kasingsama bago ang baha, at kasinglaswa gaya ng mga naninirahan sa Sodoma at Gomorra. Ang panalangin ay maaaring ihandog araw-araw ng mga may takot sa Diyos upang kanyang ingatan ang kanilang mga puso mula sa masasamang pagnanasa, at palakasin ang kanilang mga kaluluwa upang labanan ang tukso. Yaong sa kanilang pagtitiwala sa sarili ay hindi nakakaramdam ng pangangailangan na magbantay at walang humpay na manalangin ay nalalapit sa ilang nakakahiyang pagkahulog. Ang lahat ng hindi nakadarama ng kahalagahan ng determinadong pag-iingat sa kanilang mga pagnanais ay mabibihag ng mga nagsasanay ng kanilang sining upang siloin at iligaw ang hindi nag-iingat. Maaaring may kaalaman ang mga tao sa mga banal na bagay at kakayahang punan ang isang mahalagang aspeto sa gawain ng Diyos; gayunpaman, maliban kung iingatan nila ang isang simpleng pananampalataya sa kanilang Manunubos, sila ay mabibitag at madadaig ng kaaway. RH October 11, 1881, par. 4
“Dahil ang mga tungkulin sa pagbabantay at pananalangin ay napababayaan kung kaya't napakalaki ng kakulangan sa moral na kapangyarihan. Ito ang dahilan kung bakit ang napakarami na may anyo ng kabanalan ay hindi nasusumpungan na may katumbas paggawa. Ang walang ingat na pagwawalang-bahala, ang makalaman na kasiguruhan tungkol sa mga tungkuling pangrelihiyon at mga bagay na walang hanggan ay nangingibabaw sa isang nakababahalang lawak. Hinihikayat tayo ng salita ng Diyos na masumpungang “Na magsipanalangin kayo sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaan;” at muli, “kayo nga'y mangagpakahinahon, at mangagpuyat sa pananalangin.” Narito ang pananggalang ng Kristiyano, ang kanyang proteksyon sa gitna ng mga panganib na nakapaligid sa kanyang landas.” RH October 11, 1881, par. 5
Apocalipsis 18:1, “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang ibang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapamahalaan; at ang lupa ay naliwanagan ng kaniyang kaluwalhatian..” Sa panahong ito matutupad ang hula ni Isaias. Isaias 52:1, 2: “Gumising ka, gumising ka, magsuot ka ng iyong kalakasan, Oh Sion; magsuot ka ng iyong mga magandang damit, Oh Jerusalem, na bayang banal: sapagka't mula ngayo'y hindi na papasok pa sa iyo ang hindi tuli at ang marumi. Magpagpag ka ng alabok; ikaw ay bumangon, umupo ka sa iyong luklukan, Oh Jerusalem: magkalag ka ng mga tali ng iyong leeg, Oh bihag na anak na babae ng Sion.”
Pansinin ang huling bahagi ng unang talata: “sapagka't mula ngayo'y hindi na papasok pa sa iyo ang hindi tuli at ang marumi.” Noon pa man ay mayroong nasusumpungan sa iglesya na hindi tuli, marumi, at hindi napagbabagong loob sa buong kasaysayan niya, ngunit dito ipinahayag ng propeta na “mula ngayo’y hindi na”. Magpasalamat tayo sa ating Diyos para sa mahalagang pangakong ito, at para sa paghahayag ng Kanyang Salita. Ipinahayag din ni Zefanias, “Ang nalabi sa Israel ay hindi gagawa ng kasamaan, ni magsasalita man ng mga kabulaanan; ni masusumpungan man ang isang magdarayang dila sa kanilang bibig; sapagka't sila'y magsisikain at magsisihiga, at walang takot sa kanila.” Sa Prophets and Kings, p.725, mababasa natin: “Nakabihis ng baluti ng katuwiran ni Cristo, ang iglesya ay papasok sa kanyang huling tunggalian. “maganda na parang buwan, maliwanag na parang araw, kakilakilabot na parang hukbo na may mga watawat”, siya ay hahayo sa buong mundo, “yumaong nagtatagumpay, at upang magtagumpay.”