“At inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya; At kayo'y mangagbago sa espiritu ng inyong pagiisip, At kayo'y mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Dios ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan.” KJV - Efeso 4:22-24
“Hinihingi ni Cristo ang isang buong pusong paglilingkod,—ang buong pagpapagamit sa kaisipan, kaluluwa, puso, at lakas. “O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios? at hindi kayo sa inyong sarili; Sapagka't kayo'y binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan ang Dios.” Kapag isinagawa natin ang ganitong pagsuko, binibigyan ni Cristo ng kapayapaan ang ating mga isipan, at itinatalaga ang ating mga puso at mga kamay tungo sa paglilingkod sa kanya. Ang Kanyang karunungan ay nagbibigay sa atin ng espirituwal na buhay, at nagbibigay-daan sa atin na magpakita ng pagmamahal sa Diyos at sa isa't isa. Inihahayag natin ang kanyang biyaya sa ating mga karakter; sapagkat nabubuhay tayo sa kaniya. Inihaharap niya tayo na walang dungis sa harap ng kanyang Ama; sapagkat tayo ay pinabanal sa pamamagitan ng kanyang dugo. Tayo ay nilinis mula sa mga patay na gawa; sapagkat si Jesus ang nagmamay-ari sa mga pinabanal na kaluluwa, upang baguhin, palakasin, at bigyang gabay ang lahat ng mga udyok nito, at magbigay ng sigla sa mga layunin nito. Sa gayon tayo ay nagiging mga templo para sa panahanan ng Banal na Espiritu .” RH July 25, 1899, Art. A, par. 18
Ihambing ang Efeso 4:17-32 sa Colosas 3:1-17. Paano itinaguyod ni Pablo ang mga mananampalataya na mamuhay sa paraang naghihikayat sa pagkakaisa ng simbahan?
“Ang pagtataas sa mga miyembro na hindi nabago sa puso at nabago sa buhay ay ang sanhi ng kahinaan sa simbahan. Ang katotohanang ito ay madalas na hindi nabibigyang pansin. Ang ilang mga ministro at simbahan ay labis na nagnanais na matiyak ang pagdami o paglago sa bilang kaya’t hindi sila nakakapagbigay ng tapat na patotoo laban sa mga hindi maka-Kristiyanong mga gawi at gawain. Yaong mga tumatanggap ng katotohanan ay hindi natuturuan na hindi sila maaaring maging makasanlibutan sa mga gawa samantalang tinataglay nila ang pagiging Kristiyano sa pangalan. Noon ay nasasakupan sila ni Satanas; ngunit simula ngayon sila ay magiging mga sakop na ni Cristo. Ang buhay ay dapat magpatotoo sa pagbabago ng mga pinuno. Ang opinyon ng publiko ay pinapaboran ang isang propesyon ng Kristiyanismo. Ang maliit na pagtanggi sa sarili o pagsasakripisyo sa sarili ay kinakailangan upang maisuot ang isang anyo ng kabanalan at maitala ang pangalan ng isa sa aklat ng simbahan. Kaya't marami ang sumasapi sa simbahan nang hindi muna nagiging kaisa kay Cristo. Dito nagtatagumpay si Satanas. Ang gayong mga ‘converts’ ay ang kanyang pinakamahusay na mga ahente. Sila ay nagsisilbing pang-aakit sa ibang mga kaluluwa. Sila ay mga huwad na liwanag, na umaakit sa mga hindi nag-iingat tungo sa kapahamakan. Walang kabuluhan na hangarin ng mga tao na gawing malawak at kaaya-aya ang landas ng Kristiyano para sa mga makamundo. Hindi pinakinis o pinalawak ng Diyos ang makipot na daan na ito. Kung gusto nating pumasok sa buhay, dapat nating sundan ang parehong landas na tinahak ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo—ang landas ng pagpapakumbaba, pagtanggi sa sarili, at pagsasakripisyo. 5T 172.2
“Dapat makita ng mga ministro na ang kanilang sariling mga puso ay pinabanal sa pamamagitan ng katotohanan, at pagkatapos ay magsikap na matiyak ang mga resultang ito para sa kanilang mga nagbabalik-loob. Ang tunay na relihiyon ang kinakailangan ng mga ministro at mga tao. Yaong mga nag-aalis ng kasamaan sa kanilang mga puso at nag-uunat ng kanilang mga kamay sa taimtim na pagsusumamo sa Diyos ay magkakamit ng tulong na ang Diyos lamang ang makapagbibigay sa kanila. Isang pantubos ang binayaran para sa mga kaluluwa ng mga tao, upang magkaroon sila ng pagkakataong makatakas mula sa gulo ng kasalanan at makamit ang kapatawaran, kadalisayan, at langit.” 5T 172.3
Sa muling pagsasalaysay ng kuwento ukol sa pagbabalik-loob ng kaniyang mga tagapakinig, anong mahalagang pangunahing punto ang ipinaparating ni Pablo sa kanila? Eph. 4:20-24
Isaias 60:1 – “Ikaw ay bumangon, sumilang ka: sapagka't ang iyong liwanag ay dumating, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo.”
Sino nga ang makapagsasabi na ang ating liwanag ay hindi pa dumating? na ang ating mensahe ay hindi napapanahon na Katotohanan? Wala sa sinumang nakikipag-ugnayan dito, natitiyak ko. Samakatuwid, ang inspirasyon ay nag-aanyaya sa bayan ng Diyos, ang Denominasyon, kasama natin, na bumangon at magliwanag. Ang salitang "sumilang (shine)" ay ang dapat nating pag-aralan sa susunod upang malaman natin kung ano ang hinihiling sa atin.
Ang isang maitim at maruming bagay ay hindi kailanman magrereflect, ina-absorb nito ang lahat ng liwanag sa sarili nito. Ang buwan ay nagliliwanag sapagkat puti ang sangkap ng ibabaw nito. Kung ito ay gawa sa itim na sangkap, hindi ito makakapagreflect ng anumang liwanag. Ganoon din sa espirituwal na liwanag: Kung tayo ay magnanais na magliwanag, kailangan nating bumangon at magpakadalisay, alisin ang ating maiitim, maruruming kasuotan – aktibong makibahagi sa revival and reformation sa ilalim ng pangangasiwa ng Banal na Espiritu. Ang kahangalan, panatisismo, at kawalang-interes ay dapat na iwaksi at ang Banal na pag-iisip ay pakilusin, ipinaguutos ng Panginoon:
“Lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at ng liko ang kaniyang mga pagiisip; at manumbalik siya sa Panginoon, at kaaawaan niya siya; at sa aming Dios, sapagka't siya'y magpapatawad ng sagana. Sapagka't ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon. Sapagka't kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip. Sapagka't kung paanong ang ulan ay lumalagpak at ang niebe ay mula sa langit, at hindi bumabalik doon, kundi dinidilig ang lupa, at pinasisibulan at pinatutubuan ng halaman, at nagbibigay ng binhi sa maghahasik at pagkain sa mangangain; Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa bibig ko: hindi babalik sa akin na walang bunga, kundi gaganap ng kinalulugdan ko, at giginhawa sa bagay na aking pinagsuguan. " Isaias 55:7-11.
Dapat nating linisin ang ating mga pagiisip, ating mga gawi, ating mga katawan, ating mga kasuotan, ating mga tahanan sa loob at labas. Ang kalinisan ay kabanalan; Ang pamahalaan ng Diyos ay batas at kaayusan, kapayapaan at katuwiran, kagalakan at kasiyahan. Kaya't kailangan na tayo ay mapakinis ng Espiritu ng Diyos, maging ganap na mga Kristiyano kung nais nating "magliwanag," kung nais nating ipakita ang Salita ng Diyos sa mga taong nasa kadiliman pa. Kung nagagawa natin ang lahat ng bagay na itinuturo ng mensahe, kung gayon bilang iyong pinakamataas na tungkulin at Banal na pribilehiyo, tanggapin ang sinasabi ng Inspirasyon: “Ikaw ay bumangon, sumilang ka: sapagka't ang iyong liwanag ay dumating, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo..” Yaong mga nananatili ngayon bilang madidilim na bagay, na umaabsorb ng liwanag sa kanilang sarili ay dapat na ngayong yakapin ang pagkakataon at tanggapin ang pribilehiyo. Ngayon ang iyong pagkakataon.
Alin sa mga salita ng payo ni Pablo tungkol sa paggamit ng pananalita sa mga mananampalataya ang pinakamahalaga sa iyo ngayon? Bakit? Eph. 4:25-29
“Sa paghahangad na itama o baguhin ang iba dapat tayong mag-ingat sa ating mga salita. Ang mga ito ay magiging samyong mula sa kabuhayan sa ikabubuhay o samyong mula sa kamatayan sa ikamamatay. Sa pagbibigay ng saway o payo, marami ang nagpapabaya sa pagbigkas ng matatalas, at matitinding pananalita, mga salita na hindi angkop upang pagalingin ang sugatang kaluluwa. Sa pamamagitan ng hindi magandang mga pananalitang ito ang espiritu ay nababagabag, at kadalasan ang mga nagkakamali ay nahihikayat sa paghihimagsik. Lahat ng magsusulong ng mga alituntunin ng katotohanan ay kailangang makatanggap ng makalangit na langis ng pag-ibig. Sa lahat ng pagkakataon, ang pagsaway ay dapat sabihin ng may pag-ibig. Kung magkagayon ang ating mga salita ay makakapag-reporma ngunit hindi magpapagalit. Si Cristo sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu ay magbibigay ng lakas at kapangyarihan. Ito ang Kanyang gawain. COL 337.1
“Walang isang salita ang dapat bigkasin nang hindi sinasadya. Walang masamang pagsasalita, walang hindi makabuluhang pananalita, walang maligalig na pananalita o maruming mungkahi, ang lalabas sa mga labi niya na sumusunod kay Cristo. Ang apostol na si Pablo, na sumulat sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ay nagsabi, “Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig.” Efeso 4:29 . Ang isang mahalay na salita ay hindi lamang mga salita na masasama. Nangangahulugan ito ng anumang pananalitang salungat sa mga banal na prinsipyo at dalisay at walang dungis na relihiyon. Kabilang dito ang maruming mga pahiwatig at mga lihim na pagpapahiwatig ng kasamaan. Maliban kung ito ay agad na nilalabanan, ang mga ito ay hahantong sa malaking kasalanan. COL 337.2
“Sa bawat pamilya, sa bawat indibidwal na Kristiyano, ay iniatang ang tungkulin na hadlangan ang daan laban sa mahalay na pananalita. Kapag tayo ay nasa piling ng mga taong nagpapakasasa sa mga hangal na usapan, tungkulin nating baguhin ang paksa ng usapan kung maaari. Sa tulong ng biyaya ng Diyos dapat tayong malumanay na magbitaw ng mga salita o magpakilala ng isang paksa na makakagawang kapakipakinabang ang usapan.” COL 337.3
Sa pagtalakay sa mga kasalanan sa pananalita sa loob ng pamayanang Kristiyano, anong pangaral ang ibinahagi ni Pablo tungkol sa presensya ng Banal na Espiritu sa mga mananampalataya? Eph. 4:30
“Kapag ang isang tao ay minsang nagpabaya sa pagdinig sa mga paanyaya, pagsaway, at mga babala ng Espiritu ng Diyos, ang kanyang konsensiya ay napapahina, at sa susunod na siya ay paalalahanan, magiging mas mahirap na ang pagsunod kaysa dati. At gayun din sa bawat pag-uulit dito. Ang konsensya ay ang tinig ng Diyos, na naririnig sa gitna ng labanan sa mga hilig ng tao; kapag ito ay nilalabanan, ang Espiritu ng Diyos ay napipighati.” 5T 120.1
“Ang mga tao ay may kapangyarihang pawiin ang Espiritu ng Diyos; ang kapangyarihan ng pagpili ay nasa kanila. Sila ay binibigyan ng kalayaan sa pagkilos. Maaaring sila ay maging masunurin sa pamamagitan ng pangalan at biyaya ng ating Manunubos, o maaaring sila ay maging masusuwayin, at mapagtanto ang mga magiging kahihinatnan. ” GW 174.3
“Ang kasalanan ng paglapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi namamalagi sa anumang biglaang salita o gawa; ito ay ang matibay at determinadong pagtutol sa katotohanan at ebidensya ( Manuscript 30, 1890 ).” 5BC 1093.1
“Hindi kailangang tingnan ng sinuman ang kasalanan laban sa Espiritu Santo bilang isang bagay na mahiwaga at hindi matukoy. Ang kasalanan laban sa Espiritu Santo ay ang kasalanan ng patuloy na pagtanggi na tumugon sa paanyayang magsisi ( The Review and Herald, Hunyo 29, 1897 ).” 5BC 1093.2
Ano ang tatak ng Diyos sa noo ng 144,000 (Apoc. 7:3)? Ito ba ay ang selyo ng Sabbath o may iba pa?
Sa pagkakaroon ng tatak kay Cristo "sa Espiritung iyon ng pangako," pagkatapos na "marinig ang salita ng katotohanan" (Efe. 1:13; 4:30), ang mga banal ay natatakan ng Kasalukuyang Katotohanan--ang katotohanang ipinangaral sa kanilang kapanahunan.
"Ang tatak ng buhay na Diyos," ang Katotohanan, kung saan ang 144,000 ay tinatakan (Apoc. 7:2), ay isang espesyal na tatak, na kapareho ng "tanda" sa Ezekiel 9. (See Testimonies to Ministers, p. 445; Testimonies, Vol. 3, p. 267; Testimonies, Vol. 5, p. 211). Hinihingi nito ang pagbuntong-hininga at pag-iyak (sigh and cry) sa mga kasuklam-suklam na nagpaparumi sa kanya at lumalapastangan sa Sabbath at sa bahay ng Diyos, lalo na laban sa pagbebenta ng literatura at pagtataas ng mga layunin sa panahon ng serbisyo ng Sabbath. Dahil ang mga banal ay may tatak na ito o marka sa kanilang mga noo, ang mga anghel ay lalampas sa kanila, hindi sila papatayin. Katumbas ito ng dugo sa poste ng pinto noong gabi ng Paskuwa sa Ehipto. Ang anghel ay maglalagay ng marka sa mga noo ng lahat na sa pamamagitan ng pagbuntong-hininga sa kanilang sariling mga kasalanan, at sa mga kasalanan sa bahay ng Diyos, ay nagpapakita ng katapatan sa Katotohanan. Pagkatapos ay susunod ang mga mapangwasak na mga anghel, upang patayin ang mga matanda at bata na hindi nakatanggap ng tatak. (See Testimonies, Vol. 5, p. 505.)
Kaya, ang naunang selyo ay nagbibigay-daan sa tumanggap na bumangon mula sa mga patay sa muling pagkabuhay ng matuwid, habang ang huling tatak ay nagbibigay-daan sa nagbubuntong-hininga na umiiyak (sighing and crying) upang makatakas sa kamatayan at magpakailanman na mabuhay para sa Diyos.
Ukol sa pagbabalik ni Cristo, anong mga saloobin at pag-uugali, na may kaugnayan sa pananalita, ang dapat iwaksi ? Anong mga saloobin at pag-uugali ang dapat yakapin? Eph. 4:31, 31
Paano makakamit at mapapanatili ng mga mananampalataya ang pagkakaisa sa kanilang mga sarili?
Upang talunin ang Kaaway at mapanatili ang pagkakaisa at kaayusan, hayaan ang bawat mananampalataya na tumigil sa paghahanap ng mali sa kanyang mga kapatid; bantayan ang kanyang sariling mga hakbang at hindi ang sa iba; intindihin na mayroon silang parehong pagkakataon na alamin ang pagkakaiba ng tama at mali; pasanin ang kanyang sariling responsibilidad at hindi ang sa iba; pahalagahan sila ng mas mahusay kaysa sa kanyang sarili; at walang gawin at sabihin na ayaw niyang gawin o sabihin nila sa kanya.
Hayaang malaman ng bawat isa, tulad ng ginawa ni Pablo, na ang pagkakawanggawa--pagtitiis sa pamamagitan ng pag-ibig--ay ang pinakakailangan, at matayog sa lahat ng mga tagumpay:
“Kung ako'y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, datapuwa't wala akong pagibig, ay ako'y naging tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw. At kung magkaroon ako ng kaloob na panghuhula, at maalaman ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman; at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya, na ano pa't mapalipat ko ang mga bundok, datapuwa't wala akong pagibig, ay wala akong kabuluhan. At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking mga tinatangkilik upang ipakain sa mga dukha, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, datapuwa't wala akong pagibig, ay walang pakikinabangin sa akin. Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo. Hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama; Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan; Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis. Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man: kahit maging mga hula, ay mangatatapos; maging mga wika, ay titigil: maging kaalaman, ay mawawala. Sapagka't nangakakakilala tayo ng bahagya, at nanganghuhula tayo ng bahagya; Datapuwa't kung dumating ang sakdal, ang bahagya ay matatapos. Nang ako'y bata pa, ay nagsasalita akong gaya ng bata, nagdaramdam akong gaya ng bata, nagiisip akong gaya ng bata: ngayong maganap ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata. Sapagka't ngayo'y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; nguni't pagkatapos ay makikita natin sa mukhaan: ngayo'y nakikilala ko ng bahagya, nguni't pagkatapos ay makikilala ko ng gaya naman ng pagkakilala sa akin. Datapuwa't ngayo'y nanatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang pagasa, at ang pagibig; nguni't ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig.”1 Cor. 13.
Gawin ninyo ito, Mga Kapatid, at tatakas ang Diyablo at gayundin ang inyong mga problema kasunod niya.
Alalahanin na "Si Satanas ay nabubuhay, at aktibo, at araw-araw ay kailangan nating tumawag nang taimtim sa Diyos para sa tulong at lakas upang labanan siya. Hangga't si Satanas ay naghahari ay mayroon tayong sarili na dapat labanan, may mga pagdurusa na dapat daigin! at walang panahon o lugar upang tayo tumigil, walang punto kung saan tayo makakarating at masasabing ganap na nating natamo ito.
"Ang buhay Kristiyano ay isang patuloy na pasulong na martsa. Si Jesus ay nakaupo bilang isang tagapagdalisay at tagapaglinis sa bayan; at kapag ang kanyang imahe ay ganap na naaninag sa kanila, sila ay magiging perpekto at banal, at handa para sa langit [translation]."-- Testimonies, Tomo 1, p. 340.
Kung ang mga Kristiyano ay hindi kailanman mag-aakusa sa isa't isa, hindi kailanman paguusapan ang kamalian ng iba, o ang pagkukulang, kabiguan, at problema, matatagpuan nila ang kanilang mga sarili na nagkakaisa na walang makakasira sa kanilang ugnayang Kristiyano. Ngunit ang gayong diwa ng pagkakaisa ay mapapanatili lamang ng isang bayan na patuloy na nagbabantay sa kanilang mga sarili, at sila’y nakakakita ng mukhaan at nagsasalita ng isang bagay lamang sa pamamagitan ng pagtalikod sa kanilang sariling mga paraan at pag-iisip at pagpapalit dito ng sa Panginoon.
Makabubuting tandaan din na ang ating mga dila ay ibinigay sa atin para sa layunin ng pagsasalita ng Katotohanan ng Diyos at sa Kanyang papuri, at ng ating lakas upang ipahayag ang Kanyang Katotohanan at upang pagpalain ang Kanyang bayan. Pag-usapan at pagsikapan natin ang mga prinsipyong ito na buhat sa langit. Kung hindi mo sinasadyang makita o marinig na may gumagawa ng isang bagay na ayon sa iyong pinakamabuting paghuhusga ay hindi nararapat na gawin ng isang Kristiyano, at kung sa tingin mo ay matutulungan mo siya, huwag mong gawing tagapagdala ng kuwento ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagsasabi nito sa sinuman ngunit sa halip ay makiusap sa mismong nagkasala.
Huwag gawin ang iyong sarili na isang pamantayan para sa alinman, at huwag ipilit ang iyong mga ideya sa sinuman ngunit sa iyong sarili. Walang tungkulin ang sinuman na magpulis ng iba. Unawain na walang sinuman ang may pagkakautang upang dalhin ang kanyang buhay sangayon sa mga pamantayan ng sinuman. Pakinggan kung ano ang sinasabi ng Inspirasyon: “Sino kang humahatol sa alila ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon ay natatayo siya o nabubuwal. Oo, patatayuin siya; sapagka't makapangyarihan ang Panginoon na siya'y maitayo.” (Rom. 14:4). ngunit dahil hindi mo kaya, kung gayon bakit susubukan!
Huwag gumawa ng mga kaaway sa pamamagitan ng iyong mga dila. Makipagkaibigan. At huwag maging sensitibo sa iyong mga damdamin. Kung magiging ganito ka, mararamdaman mo mismo ang pagkawala ng mga kaibigan, ng kagalakan sa lipunan, at ng pagkakataon at pribilehiyo na makapagakay ng mga kaluluwa tungo kay Cristo. Huwag hayaang lumipas ang araw na walang kredito na itatala sa iyong pahina sa talaan sa langit. Huwag ding bigyan ng maling interpretasyon ang motibo ng ibang tao. Subukang tingnan at bigyang-kahulugan ang lahat sa tamang paraan, bigyan ang lahat ng pagkakataon. Tingnan ang kabutihan sa lahat at ipikit ang iyong mga mata sa lahat ng kasamaan.
Sikapin na ang iyong pag-uusap ay nasa paksa ng pagtataguyod ng Katotohanan ng Diyos para sa araw na ito. Pananatilihin ka nitong abala sa pag-uusap ng isang bagay na kapaki-pakinabang at kapuri-puri. Mag-isip at mag-aral, at kapag pinag-uusapan ang relihiyon, sa lahat ng paraan ay huwag kang maging mangyayamot. Ipagpatuloy lamang ang iyong pahayag hangga't nagagawa kang sundan ng iyong tagapakinig – “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anomang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy, baka yurakan ng kanilang mga paa, at mangagbalik at kayo'y lapain.” Matt. 7:6.
Ang mga dila ay mahirap kontrolin, at ang mga tainga ay laging nananabik na makarinig. Kaya't ito ay magiging mas mahusay kung gagawin mo ang mas kaunting pagbisita. Ang maraming pagbisita ay isang pag-aaksaya lamang ng oras at isang tukso na talakayin ang mga puwing sa mata ng iba at hindi pansinin ang tahilan na nasa iyong sariling mata.
Sa tuwing ikaw ay mag-isa, maaari kang gumawa ng isang bagay. Maaari kang gumawa o magsaliksik. Ngunit kapag nakasama mo ang iba, ang pagkakataon ay wala kang magagawa kundi ang makapinsala sa iyong sarili at sa iba. Ngayon na ang panahon para mag-aral at matutunan ang Katotohanan para sa panahong ito, para malaman kung paano magbigay ng pag-aaral at kung paano sagutin ang mga tanong sa simpleng paraan, nang hindi kinakailangang bumalik sa maraming kasaysayan o talambuhay. At kung determinado kang lumakad kasama ng Diyos sa araw-araw at pag-aralan ang Kanyang kalooban hinggil sa iyong sariling mga tungkulin, hindi ang mga tungkulin ng iba, makakasumpong ka ng maraming bagay upang panatilihin kang abala at malayo mula sa kapahamakan.
Tandaan din na kayo ay mga kandidato para sa mga unang bunga, upang maging isa kasama ng o isa kabilang sa 144,000, na kayo ay walang kasinungalingan sa inyong mga bibig (Apoc. 14:5).
Sukatin ang iyong mga salita sa pamamagitan ng gintong panuntunan. Kung gagawin mo sa iba ang gusto mong gawin nila sa iyo, magkakaroon ka ng kaunting problema, at higit na kagalakan sa buhay, maraming kaibigan sa paligid mo, at makatarungang mga bigkis para sa langit.