“Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios; Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri. Sapagka't tayo'y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran.” KJV - Efeso 2:8-10
Ang dahilan kung bakit ang mga mambabasa ni Pablo ay madalas na nahihirapan na unawain ang kanyang mga sulat ay dahil binabasa nila ang mga ito bilang mga aklat sa halip na mga sulat. Samakatuwid, ang lahat ng uunawa sa mga ito ngayon ay dapat isaalang-alang ang katotohanan na isinulat niya ang mga ito sa mga grupo na dati na niyang kakilala at mayroong pakikipagsulatan, kung saan ang mga problema at katanungan ay dati na niyang nalalaman. Naaayon dito ang kaniyang isinulat sa kanila, kaya alam niya kung ano ang sasabihin sa kanila, at naunawaan nilang mabuti ang ibig niyang sabihin. Dahil dito, kung nais nating maunawaan ang kanyang mga sulat, kailangan muna nating malaman ang mga kundisyon na tumawag at nangailangan sa ganoong mga sulat. Upang magawa ito, kailangang pag-aralan ang bawat liham, at magsikap na alamin kung ano ang mga problema ng mga tagatanggap ng sulat na sinusubukan niyang lutasin. Kung hindi, maaari lamang magkaroon ng kalituhan kung ano ang sinasabi ni Pablo. Basahin ang mga ito sa ganitong paraan, at matutuklasan mo na ang mga ito ay hindi mahirap unawain gaya ng iyong inaakala.
Pagnilayan ang Efeso 1. Ano ang lalong nagbibigay-inspirasyon sa iyo? Anong mga taluktok ang nakikita mo?
“Ang mga pangakong ito [ Efeso 1:1-8 ] ay hindi binigay sa iilan lamang, kundi para sa lahat ng dadalo sa makalangit na piging na inihanda ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapadala ng Kanyang Anak sa ating mundo upang mamatay alang-alang sa atin, upang sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya ay maging kaisa tayo sa Diyos. Ang papuri at kaluwalhatian ng Kanyang biyaya, kapangyarihan, at karunungan ay ang kaligtasan ng isang natatanging bayan. Ang mga kahanga-hangang pagkakataon ay ibinibigay para sa bawat may pananampalataya kay Cristo. Walang pader na nakatayo ang makahahadlang sa sinumang buhay na kaluluwa mula sa kaligtasan. Kasama sa predestination na tinutukoy ng Diyos ang lahat ng tatanggap kay Cristo bilang isang personal na Tagapagligtas, na babalik sa kanilang katapatan, sa ganap na pagsunod sa lahat ng mga utos ng Diyos. Ito ang kaligtasan ng isang natatanging bayan, na hinirang ng Diyos mula sa mga tao. Ang lahat ng nagnanais na maligtas ni Cristo ay mga hinirang ng Diyos. Ang masunurin ang itinalaga mula pa sa pagkakatatag ng mundo. 21MR 51.2
“[ Talata 9-13 ] Ang salita ng katotohanan, mga katotohanan sa Bibliya, at presenteng katotohanan, ay dapat ihayag nang mahinahon, at matino, sa pagpapakita ng Espiritu, sapagkat ang mga anghel ng Diyos ay gumagawa sa ikaiimpluwensya ng kaisipan. “Ng evangelio ng inyong kaligtasan, na sa kaniya rin naman, mula nang kayo'y magsisampalataya, ay kayo'y tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako.” 21MR 51.3
“Ano ang tatak ng buhay na Diyos na inilagay sa noo ng Kanyang bayan? Ito ay isang marka na mababasa ng mga anghel, ngunit hindi ng mga mata ng tao; sapagkat dapat makita ng mapangwasak na anghel ang markang ito ng kaligtasan. Nakita ng matalinong pag-iisip ang tanda ng krus ng Kalbaryo sa mga anak na tinubos ng Panginoon. Ang kasalanan ng pagsuway sa kautusan ng Diyos ay inalis. Nakasuot sila ng damit-pangkasal, at masunurin at tapat sa lahat ng utos ng Diyos. 21MR 52.1
“[ Talata 14-19 ]. Ikaw ay nakikibahagi sa isang dakilang gawain, ngunit hindi ka nagiging maingat sa iyong sarili. Dapat mong bantayan ang iyong sarili at ang mga umaasa sa iyo para sa pagtuturo, upang hindi ka malayo sa mabubuting tono at halimuyak na naghahayag ng maayos, makatuwirang mga prinsipyo na magbubunsod sa mabuti, matatalinong manggagawa na maaaring magsulong sa layunin ng Diyos. Ang bagay na ito ay dapat mong tandaan: ang bawat pamantayang itinataas para sa gawain ay dapat natatayo sa ibabaw ng bato, upang hindi ito matangay ng bagyo at unos. 21MR 52.3
“[ Talata 19-23 ]. Hindi mo dapat turuan ang iyong mga magaaral na tumingin at dumepende sa iyo. Huwag mong sabihin sa kanila, gaya ng ginagawa ng isang panginoon sa kaniyang alipin, kung anong gawain ang kanilang gagawin. Maaari kang magpayo, ngunit hayaan silang lumapit sa Panginoon para sa payo. Iniatang niya sa bawat tao ang kanilang gawain. 21MR 52.5
“Kung susundin mo ang paghatol ng tao, makagagawa ka ng mismong mga bagay na hindi naaayon sa mga layunin at plano ng Diyos. Balaan ang bawat magaaral laban sa pagdepende sa iyo, sapagka’t hindi ka ligtas sa tukso. Maging ngayon, bagama't ginagawa mo ang mismong gawaing inilaan ng Panginoon na isagawa, ngunit ikaw ay nagiging labis. Ang liwanag ng pagtuturong Kristiyano ay maaaring mapunta sa mga maling daan, at ang gawaing ninanais ng Diyos na maisagawa ay maaaring maging watak-watak, na makapagdudulot ng kalituhan at panghihina ng loob sa mga manggagawa. ” 21MR 53.1
Habang binabasa mo ang Efeso 2, sikaping sagutin ang tanong na ito: Ano ang ginawa ng Diyos para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesu-Cristo?
“Kung paanong binuhay ng Diyos si Cristo mula sa mga patay, upang maipahatid Niya ang buhay at kawalang-kamatayan sa liwanag sa pamamagitan ng ebanghelyo, at sa gayon ay mailigtas ang kanyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan, gayon din ibinangon ni Cristo ang mga nahulog na tao sa espirituwal na buhay, binubuhay sila ng kanyang buhay, pinupuno ang kanilang puso ng pag-asa at kagalakan.” RH March 31, 1904, par. 12
“Ibinigay ni Cristo ang kanyang sarili para sa katubusan ng lahi, upang ang lahat ng naniniwala sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ang mga taong nagpapasalamat sa dakilang sakripisyong ito ay tumatanggap mula sa Tagapagligtas ng pinakamahalaga sa lahat ng kaloob—ang isang malinis na puso. Nagkakaroon sila ng karanasan na mas mahalaga kaysa sa ginto o pilak o mamahaling bato. Nagsisiupo silang magkakasama sa sangkalangitan kay Cristo, tinatamasa ang kagalakan at kapayapaan sa pakikipagugnayan sa Kanya na Siya lamang ang makapagbibigay. Iniibig nila Siya nang buong puso at isip at kaluluwa at lakas, na nakauunawa na sila ay tinubos ng Kanyang dugo. Ang kanilang espirituwal na mga mata ay hindi nadidiliman ng mga makamundong polisiya o layunin. Sila ay kaisa ni Cristo kung paanong Siya ay kaisa ng Ama.” RH Mayo 30, 1907, par. 5
“Ibinigay ni Cristo ang kaniyang sarili dahil sa atin, upang tayo'y matubos niya sa lahat ng mga kasamaan, at malinis niya sa kaniyang sarili ang bayang masikap sa mabubuting gawa, upang maging kaniyang sariling pag-aari.” Siya ay gumawa ng isang lubos na pag-aalay na sa pamamagitan ng kanyang biyaya ay maaabot ng lahat ang pamantayan ng maging ganap. Sa mga tumanggap ng kanyang biyaya at sumusunod sa kanyang halimbawa ay masusulat sa aklat ng buhay, “At kayo'y napuspus —walang dungis o kapintasan.” RH May 30, 1907, par. 2
“Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo,” sa pagpapatuloy ng apostol, “na siyang nagpala sa atin ng bawa't pagpapalang ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo:” Ano pa nga ba ang maaari nating hilingin na hindi kasama sa mahabagin at saganang paglalaan na ito? Sa pamamagitan ng mga merito ni Cristo ay biniyayaan tayo ng lahat ng pagpapalang ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo. Tayo ay may pribilehiyo na lumapit sa Diyos, na masamyo ang kanyang presensya. Kung pananatilihin natin ang ating mga sarili na may ugnayan sa mga bagay na karaniwan, mababang uri, at senswal sa mundong ito, haharangan tayo ng anino ni Satanas upang mabigo tayong makilala ang pagpapala ng mga pangako at mga katiyakan ng Diyos, at sa gayon ay mabigo na mapalakas upang makamit ang mataas na pamantayang espirituwal. Malibang tayo ay nasa presensya ni Cristo tayo ay hindi magkakaroon ng kapayapaan, kalayaan, katapangan, at kapangyarihan. ” RH October 15, 1908, par. 9
Bakit kapwa mahalaga at kapana-panabik na maging bahagi ng iglesya ng Diyos? Efeso 3
“Sa panahong ito, magsusuot ang iglesya ng magandang kasuotan—“Si Cristo ang ating katuwiran.” May malinaw at tiyak na mga pagkakaiba na ipapanumbalik at ipapakita sa mundo sa paghawak sa mga utos ng Diyos at sa pananampalataya kay Jesus. Ang kagandahan ng kabanalan ay lilitaw sa kanyang ningning taliwas sa kapinsalaan at kadiliman ng mga hindi tapat, na mga nag-aalsa laban sa batas ng Diyos. Kaya’t kinikilala natin ang Diyos at kinikilala ang Kanyang batas, ang pundasyon ng Kanyang pamahalaan sa langit at sa Kanyang buong mga kapangyarihan sa lupa. Ang kaniyang kapamahalaan ay dapat na panatilihing naiiba at malinaw sa harap ng mundo, at walang batas na kikilalanin kung sumasalungat sa mga batas ni Jehova. Kung sa pagsuway sa mga itinakda ng Diyos, ang mundo ay pinahintulutan na maimpluwensyahan ang ating mga desisyon o ang ating mga aksyon, ang layunin ng Diyos ay matatalo. Gaano man kaimbabaw ang mga dahilan, kung ang iglesya ay mag-aalinlangan, may nasusulat laban sa kanya na pagtataksil sa pinakasagradong mga pagtitiwala, at pagtataksil sa kaharian ni Cristo sa mga aklat sa langit. Matatag at desididong panghahawakan ng iglesya ang kanyang mga prinsipyo sa harap ng buong sansinukob at sa mga kaharian ng mundo; ang matatag na katapatan sa pagpapanatili ng karangalan at kasagraduhan ng batas ng Diyos ay pupukaw sa pansin at paghanga maging ng mundo, at marami, sa pamamagitan ng mabubuting gawa na kanilang makikita, ay maaakay tungo sa pagluwalhati sa ating Ama sa langit. Ang tapat at totoo ay magtataglay ng mga kredensyal ng langit, at hindi ng mga makalupang kapangyarihan. Malalaman ng lahat ng tao kung sino ang mga disipulo ni Cristo, ang mga pinili at tapat, at makikilala sila kapag sila’y nakoronahan at niluwalhati bilang yaong pinarangalan ang Diyos at pinarangalan Niya, na binayayaan ng walang hanggang kaluwalhatian.... TM 16.2
“ Binigyan ng Panginoon ang Kanyang iglesya ng mga kakayahan at pagpapala, upang maipakita sa mundo ang isang larawan ng Kanyang kasapatan, at upang ang Kanyang iglesya ay maging ganap sa Kanya, isang patuloy na representasyon, maging ng walang hanggang mundo, ng mga batas na higit na mataas kaysa sa mga batas sa lupa. Ang kanyang iglesya ay dapat na maging isang templo na itinayo ayon sa banal na pagkakatulad, at ang makalangit na arkitekto ay nagdala ng kanyang gintong panukat mula sa langit, upang ang bawat bato ay matistis at makuwadrado sa pamamagitan ng banal na panukat at mapakintab upang lumiwanag bilang isang sagisag ng langit, na nagliliwanag sa lahat ng direksyon, isang malinaw na sinag ng Araw ng Katuwiran. Ang iglesya ay dapat pakainin ng manna mula sa langit at mapasailalim sa tanging pangangalaga ng Kanyang biyaya. Nakasuot ng kumpletong baluti ng liwanag at katuwiran, papasok siya sa kanyang huling labanan. Ang dungis, ang walang kabuluhang materyal, ay lalamunin, at ang impluwensya ng katotohanan ay nagpapatotoo sa mundo ng kanyang nagpapabanal, nagpaparangal na katangian.... TM 17.1
“Ang Panginoong Jesus ay gumagawa ng eksperimento sa mga puso ng tao sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kanyang awa at saganang biyaya. Siya ay nagsasagawa ng mga pagbabagong lubhang kamangha-mangha na maging si Satanas, kasama ng lahat ng kanyang kahambugan, kasama ng lahat ng kanyang nagsama-samang hukbo laban sa Diyos at sa mga batas ng Kanyang pamahalaan, ay tumatayong nakatingin sa mga katibayan na ito na hindi magugupo ng kanyang mga panlilinlang. Ang mga ito ay isang hindi mauunawaang misteryo sa kanya. Ang mga anghel ng Diyos, ang mga serapin at mga kerubin, ang mga kapangyarihang inatasang makipagtulungan sa mga tao, ay tumitingin nang may pagkamangha at kagalakan, na ang mga nagkasalang taong ito, na dating mga anak ng poot, na sa pamamagitan ng pagsasanay kay Cristo ay nakabubuo ng mga karakter ayon sa banal na pagkakatulad, at magiging mga anak na babae at lakaki ng Panginoon, upang gumanap ng mahahalagang bahagi sa mga gawain at kaluguran ng langit. TM 18.1
“Sa Kanyang iglesya, si Cristo ay nagbigay ng sapat na mga pasilidad, upang Siya ay makatanggap ng malaking kaluwalhatian mula sa Kanyang tinubos, at biniling pag-aari. Ang iglesya, na pinagkalooban ng katuwiran ni Cristo, ay ang Kanyang imbakan, kung saan ang kayamanan ng Kanyang awa, ng Kanyang pag-ibig, ng Kanyang biyaya, ay lilitaw sa ganap at huling pagpapakita. Ang pagpapahayag sa Kanyang panalanging tagapamagitan, na ang pag-ibig ng Ama sa atin ay kasing-dakila ng pagibig sa Kanya, na bugtong na Anak, at na tayo ay makakasama Niya kung saan Siya naroroon, magpakailanman na kaisa ni Cristo at ng Ama, ay isang hiwaga sa makalangit na hukbo, at ito ang kanilang malaking kagalakan. Ang kaloob ng Kanyang Banal na Espiritu, na mayaman, puspos, at sagana, ay magiging isang kutang apoy sa palibot ng Kanyang iglesya, na ang kapangyarihan ng impiyerno ay hindi mananaig laban dito. Sa kanilang walang bahid na kadalisayan at walang dungis na kasakdalan, tinitingnan ni Cristo ang Kanyang bayan bilang gantimpala ng lahat ng Kanyang pagdurusa, Kanyang kahihiyan, at Kanyang pagmamahal, at kapupunan ng Kanyang kaluwalhatian—si Cristo, ang dakilang sentro kung saan nagmumula ang lahat ng kaluwalhatian. “Mapapalad ang mga inanyayahan sa paghapon sa kasalan ng Cordero.” TM 18.2
Sa Efeso 4, hiniling ni Pablo sa mga mananampalataya na huminto sa paggawa ng ilang bagay at siguraduhing gagawin ang iba. Ano ang mga bagay na iyon?
“Mahalaga na ang mga nakikibahagi sa gawain ng Diyos ay patuloy na mag-aaral sa paaralan ni Cristo. Sa katunayan, ito ay lubos na kinakailangan kung sila ay gagawa nang may pagtanggap sa dakila, at solemneng gawain ng paglalahad ng katotohanan sa mundo. Kung aalisin ang pagtingin sa sarili, at ang mga manggagawa ay gagawa nang may pagpapakumbaba at karunungan, isang matamis na espiritu ng pagkakasundo ang iiral sa kanila. Hindi sasabihin ng isa sa pamamagitan ng salita o gawa man na, “Ito ang bukirin ng aking gawain; hindi ko nais na panghimasukan mo ito;” ngunit ang bawat isa ay gagawa nang may katapatan, naghahasik sa tabi ng lahat ng tubig, na inaalaala na si Pablo ay maaaring magtanim, si Apolos ay maaaring magdilig, ngunit ang Diyos lamang ang makapagpapalago.” RH April 13, 1886, par. 1
“Ang mga gumagawang magkasama ay nararapat na magkaroon ng ganap na pagkakasundo. Gayunpaman, hindi dapat maramdaman ng sinuman na hindi siya maaaring gumawa kasama ng mga taong hindi nakakakita kung paanong nakikita niya ang mga bagay-bagay, at yaong sa kanilang mga gawain ay hindi sumusunod ng sangayon lamang sa kanyang mga plano. Kung ang lahat ay magpapamalas ng isang mapagpakumbaba, at madaling turuan na espiritu, hindi nga ito magiging mahirap. Ang Diyos ay nagtakda sa iglesya ng iba't ibang mga kaloob. Ang mga ito ay mahalaga sa kanilang mga wastong lugar, at ang lahat ay maaaring gumawa ng bahagi sa gawain ng paghahanda sa bayan para sa nalalapit na pagdating ni Cristo. RH April 13, 1886, par. 3
“At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba'y propeta; at ang mga iba'y evangelista; at ang mga iba'y pastor at mga guro; Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo: Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo: Upang tayo'y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito't doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian; Kundi sa pagsasalita ng katotohanan na may pagibig, ay mangagsilaki sa lahat ng mga bagay sa kaniya, na siyang pangulo, sa makatuwid baga'y si Cristo; Na dahil sa kaniya'y ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakalakip sa pamamagitan ng tulong ng bawa't kasukasuan, ayon sa paggawang nauukol sa bawa't iba't ibang sangkap, ay nagpapalaki sa katawan sa ikatitibay ng kaniyang sarili sa pagibig.” RH April 13, 1886, par. 4
“Ito ang utos ng Diyos, at kung nais ng tao na magtagumpay, dapat silang gumawa ayon sa kanyang itinakdang kaayusan. Oh, gaanong kakailangan ng mga manggagawa ang espiritu ni Jesus upang baguhin at hubugin sila gaya ng malagkit na putik na hinulma sa mga kamay ng magpapalayok! Kapag taglay nila ang espiritung ito, hindi magkakaroon ng espiritu ng pagkakaiba-iba sa kanila; walang sinuman ang magiging makitid na gugustuhing gawin ang lahat ng bagay ayon sa kanyang pamamaraan, ayon sa kanyang mga ideya; hindi magkakaroon ng hindi pagkakasundo sa pagitan niya at ng kapatid niyang manggagawa na hindi nakaaabot sa kanyang pamantayan. Hindi nais ng Panginoon na maging anino ng iba ang sinuman sa kanyang mga anak; ngunit nais Niyang ang bawat isa ay maging simple sa sarili, pino, pinabanal, pinarangalan sa pamamagitan ng paggaya sa buhay at katangian ng dakilang Huwaran. Ang makitid, mapangkulong, at eksklusibong espiritu na nagpapanatili sa lahat ng bagay sa loob ng kumpas ng sarili, ay isang sumpa sa layunin ng Diyos, at palaging mananatili saanman pinapayagang umiral.” RH April 13, 1886, par. 5
“Ang mga imbensyon ng tao ay nakalulugod sa makalaman na pag-iisip, at nagpapatahimik sa budhi habang ito ay kumakapit sa kasalanan. Hindi kasiya-siya sa mga tao na makita at isagawa ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig at nagpapabanal sa kaluluwa. Ang kasalanan ay hindi tinalikdan at hinamak, at upang i-excuse ito ay kailangang gumawa ng paraan kung saan ang talim ng tabak ng katotohanan ay magiging mapurol; kaya’t ang mga tao ay nagdala ng mga pangangatwiran at mga pagpapalagay ng tao. Kung pinahintulutan ng mga tao ang salita ng Diyos na gawin ang gawain nito sa puso at isipan, makikilala at mapaghihiwalay sana nila ang mga katotohanan at hindi. Kung tinanggap nila ang Banal na Kasulatan sa kapayakan nito, hindi nila magagawang hayaan ang kanilang mga sarili na maanod sa makamundong mga gawain upang punan ang kanilang naising may katapusan. Ngunit winalang bisa nila ang salita ng Diyos sa kanilang mga tradisyon, at nilabanan ang Kasulatan sa tunay na kahulugan nito. Sinabi ng Panginoon na ang salita ng katotohanan ay makakapagpadunong sa tao sa ikaliligtas. Ito ay isang pananggalang at kalasag, na nagpoprotekta sa tao mula sa mga panlilinlang ng kaaway. “Huwag kayong madaya ng sinoman ng mga salitang walang kabuluhan: sapagka't dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Dios sa mga anak ng pagsuway. Huwag kayong makibahagi sa kanila; Sapagka't noong panahon kayo'y kadiliman, datapuwa't ngayon kayo'y kaliwanagan sa Panginoon: magsilakad kayong gaya ng mga anak ng kaliwanagan: (Sapagka't ang bunga ng kaliwanagan ay nabubuo ng kabutihan at katuwiran at katotohanan).” ST June 4, 1894, par. 4
“ Si Jesus, na nag-alay ng kanyang buhay upang iligtas ang mga tao, ay nagbigay sa atin ng babala tungkol sa kung ano ang mangyayari sa mga huling araw. Ang mga alagad ay lumapit sa kaniya nang sarilinan upang tanungin siya tungkol sa katapusan ng sanlibutan, at sinabi ni Jesus: “Mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman. Sapagka't marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at ililigaw ang marami.” Ang mga panlilinlang ni Satanas ay dadami habang nalalapit tayo sa katapusan ng kasaysayan ng mundo. Binalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod kung ano ang magaganap bago ang Kanyang pagparito. Sinabi Niya: “Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang. Narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo. Kaya nga kung sa inyo'y kanilang sasabihin, Narito, siya'y nasa ilang; huwag kayong magsilabas: Narito, siya'y nasa mga silid; huwag ninyong paniwalaan. Sapagka't gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kalunuran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.” ST June 4, 1894, par. 5
“Ang mapanlinlang na kapangyarihan ni Satanas ay patuloy na dadami hanggang sa wakas. Sa pamamagitan ng kanyang mga ahensya siya ay gagawa ng mga dakilang tanda, “At siya'y gumagawa ng mga dakilang tanda, na ano pa't nakapagpapababa ng kahit apoy mula sa langit hanggang sa lupa sa paningin ng mga tao. At nadadaya niya ang mga nananahan sa lupa dahil sa mga tanda na sa kaniya'y ipinagkaloob... na sinasabi sa mga nananahan sa lupa, na dapat silang gumawa ng isang larawan ng hayop na mayroon ng sugat ng tabak at nabuhay.At siya'y pinagkaloobang makapagbigay ng hininga sa larawan ng hayop, upang ang larawan ng hayop ay makapangusap, at maipapatay naman ang lahat ng hindi sumasamba sa larawan ng hayop. At ang lahat, maliliit at malalaki, at mayayaman at mga dukha, at ang mga laya at ang mga alipin ay pinabigyan ng isang tanda sa kanilang kanang kamay, o sa noo; At nang huwag makabili o makapagbili ang sinoman, kundi siyang mayroong tanda, sa makatuwid ay ng pangalan ng hayop o bilang ng kaniyang pangalan.” ST June 4, 1894, par. 6
“Ang ating mundo ay mabilis na nalalapit sa hangganan kung kailan hindi na maipagpapatuloy ang probasyon.” ST June 4, 1894, par. 7
Joel 2:1-3 – “Hipan ninyo ang pakakak sa Sion, at mangagpatunog kayo ng hudyat sa aking banal na bundok; manginig ang lahat na mananahan sa lupain: sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay dumarating, sapagka't malapit na; Araw ng kadiliman at ng pagkukulimlim, araw ng mga ulap at ng pagsasalimuot ng dilim, gaya ng liwayway na namumukadkad sa mga bundok; isang malaking bayan at matibay; hindi nagkaroon kailan man ng gaya niyaon, ni magkakaroon pa man pagkatapos ng mga yaon, hanggang sa mga taon ng maraming sali't saling lahi. Isang apoy ang sumusupok sa harap nila; at sa likuran nila'y isang liyab ang sumusunog: ang lupain ay parang halamanan sa Eden sa harap nila, at sa likuran nila'y isang sirang ilang; oo, at walang nakatanan sa kanila..”
Dito makikita na ang isang mensahe ay ipahahayag sa iglesya, sa Sion, na nagpapahayag na ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon ay malapit na; na ito ay magiging mapangwasak sa likod ng Kanyang bayan, at maluwalhati naman sa unahan nila, – na ang Panginoon ay lubusang susuyurin ang bukiran, na Kanyang titipunin ang bawat butil ng “trigo,” at pagkatapos ay susunugin ang mga pangsirang damo.
Talata 4-6 – “Ang anyo nila ay parang anyo ng mga kabayo; at kung paano ang mga mangangabayo, gayon sila nagsisitakbo. Parang ingay ng mga karo sa mga taluktok ng mga bundok nagsisilukso sila, parang hugong ng liyab ng apoy na sumusupok sa dayami, parang isang matibay na bayan na humahanay sa pagbabaka. Sa kanilang harapan ay nangahihirapan ang mga bayan; lahat ng mukha ay nangamumutla.”
Nakikita na ang kapangyarihang gumabay sa sinaunang Israel habang sinasakop nila ang Lupang Pangako, ay gagabay rin sa mga lingkod ng Diyos sa panahong ito ng pagtitipon.
Talata 7-8 – “Sila'y nagsisitakbong parang mga malakas na lalake; sila'y nagsisipagalambitin sa kuta na parang mga lalaking mangdidigma; at sila'y nagsisilakad bawa't isa ng kanikaniyang mga lakad, at hindi nila binabago ang kanilang mga hanay. Ni nagtutulakan mang isa'y isa; sila'y lumalakad bawa't isa sa kanikaniyang landas; at sila'y magsisisagupa sa mga almas, at hindi sila malalansag.”
Walang makakapigil sa bayan ng Diyos. Ang bawat tao'y gaganap sa kanyang tungkulin. Kanilang titipunin ang mga bunga ng lupa at walang makakapanakit sa kanila. Ang Spirit of Prophecy ay nagpapatotoo: “Nang umalis ang mga banal sa mga lungsod at nayon, sila ay tinugis ng masasama, na naghangad na patayin sila. Ngunit ang mga tabak na itinaas upang patayin ang bayan ng Diyos ay nabali at nahulog na walang kapangyarihan tulad ng dayami” – Early Writings, pp. 284-285.
Talata 9 – “Kanilang nilulukso ang bayan; kanilang tinatakbo ang kuta; kanilang pinagaalambitinan ang mga bahay; sila'y nagsisipasok sa mga dungawan na parang magnanakaw.”
“Ang mga lingkod ng Diyos” ay tiyak na titipunin ang lahat ng kanilang mga kapatid mula sa lahat ng bansa (Isa. 66:20). Tunay nga, sapagkat ang mga paa ng Ebanghelyo ay mga paa ng mga taong nagpapahayag nito. Mangyari pa, na sa pamamagitan lamang ng perpektong koordinasyon at hindi matitinag na hukbo maaaring matapos ang gawain ng ebanghelyo kapag idineklara ng hayop na may dalawang sungay na “Maipapatay naman ang lahat ng hindi sumasamba sa larawan ng hayop.” Apoc. 13:15.
Talata10, 11 – “Ang lupa ay nayayanig sa harap nila; ang langit ay nanginginig; ang araw at ang buwan ay nagdidilim at itinitigil ng mga bituin ang kanilang kislap: At pinatutunog ng Panginoon ang kaniyang tinig sa harap ng kaniyang hukbo; sapagka't ang kaniyang kampamento ay totoong malaki; sapagka't malakas na nagsasagawa ng kaniyang salita; sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay dakila at totoong kakilakilabot; at sinong makatatahan?
Sa pagpapahayag kung gaano kadakila at kakila-kilabot ang darating na araw, ang Panginoon ay gumagawa ng ganitong pagsusumamo:
Talata 12-14 – “Gayon ma'y ngayon, sabi ng Panginoon, magsipanumbalik kayo sa akin ng inyong buong puso, na may pagaayuno, at may pananangis, at may pananambitan: At papagdalamhatiin ninyo ang inyong puso, at hindi ang mga damit ang inyong hapakin, at kayo'y magsipanumbalik sa Panginoon ninyong Dios; sapagka't siya'y maawain at puspos ng kahabagan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob, at nagsisisi siya sa kasamaan. Sinong nakakaalam kung siya'y hindi magbabalik-loob, at magsisisi, at magiiwan ng isang pagpapala sa likuran niya, ng handog na harina, at ng inuming handog sa Panginoon ninyong Dios?”
Ang samo ng Diyos ay maghanda tayo sa pagsalubong sa araw; na ngayon bilang mga taimtim na Kristiyano na natatanto na sa oras na ito ay dumating sa atin ang mensaheng ito ng awa, tayo nga ay magsibalik sa Kanya.